TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG
ISANG mahalagang panukalang batas ang isusulong ni ACT-CIS Congressman at ngayo’y senatorial candidate Erwin Tulfo – ang pagsagot ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa professional fees ng mga doktor.
Sa unang tingin, ito ay isang malaking hakbang upang matugunan ang matagal nang hinaing ng maraming Pilipino na nahihirapang makalabas ng ospital dahil sa kakulangan sa pambayad sa mga espesyalista.
Tama ang punto ni Tulfo na kasalukuyang limitado lamang ang sinasagot ng PhilHealth sa mga bayaring gaya ng gamot at room charge ng pasyente.
Ang professional fees ng mga doktor ay nananatiling isang pabigat sa maraming Pilipino, lalo na sa mga mahihirap na umaasa lamang sa medical assistance mula sa DSWD at DOH.
Dahil dito, marami ang naiipit sa mga ospital kahit na sila ay dapat nang mailabas, dahil wala silang sapat na pera para sa bayad sa doktor.
Kung susuriin, makatuwiran ang panukalang batas na ito. Taon-taon, bilyon-bilyong piso ang inilalaan ng Kongreso sa PhilHealth mula sa kaban ng bayan.
Bukod pa rito, may salary deductions ang mga manggagawa upang mapanatili ang pondo ng ahensya. Kung hindi rin naman matutugunan ng PhilHealth ang isa sa pinakamahalagang gastusin ng pasyente – ang bayad sa doktor – ay nagkakaroon ng tanong kung sapat nga ba ang saklaw ng benepisyo nito.
Ngunit kaakibat ng mungkahing ito ang pangangailangang tiyakin na may sapat na pondo ang PhilHealth upang maisakatuparan ito nang hindi lumilikha ng bagong utang o hindi pagsasakripisyo sa iba pang benepisyo ng mga miyembro.
Mahalaga rin ang konsultasyon sa medical sector upang tiyakin na patas ang magiging sistema ng pagbabayad sa mga doktor nang hindi naaapektuhan ang kalidad ng serbisyong medikal.
Sa pagbalik ng sesyon sa Kongreso sa Hunyo 2, isang masusing pagtalakay ang kinakailangan upang matiyak na ang panukalang ito ay magiging tunay na solusyon sa suliranin ng healthcare system ng bansa.
Ang pagsagot ng PhilHealth sa professional fees ng mga doktor ay isang makataong hakbang na maaaring magdala ng ginhawa sa maraming Pilipino.
Ngunit tulad ng anomang reporma, kailangang tiyakin na ito ay may sapat na pondo, epektibong mekanismo ng implementasyon, at patas na benepisyo para sa lahat ng apektadong sektor.
