UMABOT na sa mahigit 4,000 indibidwal ang apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 1,131 pamilya o 4,141 indibidwal ang apektado ng sitwasyon. Sa bilang na ito, 1,116 pamilya o 4,092 katao ang nananatili sa 14 evacuation centers.
Aabot na sa P8.64 milyong halaga ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan sa 1,127 pamilyang naapektuhan ng pag-aalburuto ng bulkan.
Kabilang sa mga lugar na may pinakamaraming apektadong residente ang Tabaco City, Malilipot, Camalig, Ligao City at Guinobatan.
Patuloy naman ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente, habang bantay-sarado ang sitwasyon ng Bulkang Mayon.
(TOTO NABAJA)
30
