HIGIT P2-B GUGUGULIN SA PAGSUGPO SA NCOV ARD

HIGIT dalawang bilyong piso ang supplemental budget na isinusulong sa Kongreso para tugunan ang 2019-novel coronavirus Acute Respiratory Disease (2019-nCoV ARD).

Nabatid na inihain na nina House Committee on Health Chairman Angelina Tan at House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang dalawang panukala.

Sa House Bill 6166 na inihain ni Tan at House Bill 6177 ni Salceda, aabot sa P2.040 Billion ang supplemental budget na gagamitin para tugunan ang mga pangangailangan ng mga Filipino laban sa sakit.

Gagamitin ang pondo para sa pagbili ng protective equipment, surgical masks, para sa repatriation ng mga Filipino mula sa China at incentives para sa mga miyembro ng Epidemiology Bureau.

Kukunin umano ang pondo mula sa National Treasury, ayon pa kay Salceda.

Paglilinaw ni Tan, ang P2.040 billion supplemental budget ay kapareho sa inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na P2.25 Billion na pondo para sa nCoV. CESAR BARQUILLA

214

Related posts

Leave a Comment