BABANTAYAN at kakasuhan ng mababang kapulungan ng Kongreso ang mga lider ng Department of Health (DOH) kapag nahaluan ng anomalya ang pondong ibibigay para labanan ang coronavirus disease o COVID-19.
Ito ang banta ni House appropriation committee chairman Rep. Eric Yap sa DOH matapos aprubahan ang P1.6 Billion na supplemental budget para sa pagsugpo sa virus.
“Kapag hindi nila ginamit nang maayos iyan, kapag nagkalokohan at nagkaroon ng anomalya, kakasuhan namin sila,” pahayag ni Yap.
Bukod sa P1.6 Billion na supplemental budget ng DOH para sa COVID-19 ay mayroon pang P2 Billion na mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), P430 Million na manggagaling sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at mahigit P500 Million na savings ng ahensya.
95 PINOY POSITIBO
Samantala, umaabot na sa 95 Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa ang nagpositibo sa COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque sa pagharap nito sa pagdinig ni House committee on health chairperson Angelina Tan, sa paghahanda na ginagawa ng ahensya laban sa nasabing virus.
Ayon kay Duque, sa Japan umano ang may pinakamaraming Filipino na nagkaroon ng COVID-19 dahil umaabot sa 80 kaso ang naitala roon at pangalawa sa United States na may 6 na kaso.
WALA PANG GAMOT
Kasabay nito, nilinaw ni Duque na wala pang gamot para sa COVID-19 subalit ginagamot pa rin umano ang mga pasyente sa kanilang dating sakit upang hindi lumala ang kanilang sitwasyon.
“Wala pong gamot ang COVID-19, walang bakuna,” ani Duque sa pagtatanong ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga kung anong gamot ang puwedeng bilhin ng mga local government unit (LGUs).
LUMALALA
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang isang senador sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga natatamaan ng COVID-19 sa bansa.
Aminado si Senador Christopher Bong Go na medyo delikado na ang sitwasyon ng COVID-19 kung kaya’t dapat nang magtulungan ang lahat.
Ito ay kasunod ng biglang pag-akyat sa 35 ng positibong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng apat na araw.
Kaugnay nito, tiniyak ni Go na susuportahan nito sakaling ipatupad ang lockdown sa Metro Manila o ilang lugar na maraming naitalang kaso ng COVID-19 dahil nagawa na rin ito ng ilang mga
bansang may mataas na kaso nito tulad ng bansang Italy. BERNARD TAGUINOD, NOEL ABUEL
