HIGIT SA LAHAT, DIPLOMASYA

SA hudyat ng pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte, target ng susunod na administrasyon ang pagpapairal ng isang “open foreign policy” na magbibigay-daan sa mas maraming kaalyado, lahat kaibigan at walang kaaway.

Gayunpaman, nilinaw ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. na mananatiling atin ang pinagtatalunang West Philippine Sea, kasabay ng pagtitiyak na hindi niya pahihintulutan sa kanyang anim na taong panunungkulan ang agawin ng maski sino – kesehodang kaalyado, ang kahit maliit na bahagi ng teritoryong nasa hurisdiksyon ng bansang Pilipinas.

Sa isang banda, dapat lang naman ipaglaban ng punong ehekutibo ang karapatan at soberanya ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryong kung tutuusin ay pinakamalapit sa atin. Katunayan, pasok pa nga sa itinakdang exclusive economic zone ang West Philippine Sea na puntirya ng Tsina at iba pang karatig bansa sa Asya.

Higit pa sa paninindigan sa usapin ng West ­Philippine Sea at ang pagsusulong ng giit na soberanya nang hindi na kailangan pang umabot sa giyera.

Ang kanyang formula –diplomasya.

Ayon sa mga pantas sa larangan ng foreign relations, higit pa sa sandatang nukleyar ang bisa ng diplomasya, at ‘yan mismo marahil ang nais patunayan ni Marcos Jr. sa pangakong pagbangon ng ating estado.

Para kay Marcos, malaking bentahe sa plataporma de gobyerno ng kanyang administrasyon sa susunod na anim na taon ang lumikha ng mas maraming kaibigan, sa hangaring pasiglahin ang ekonomiyang inilugmok ng pandemya at hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Para maiwasan ang gulo, mas magiging ­maingat din aniya ang pamahalaan sa mga pagpapasya hinggil sa usapin ng karagatang iniinteres ng mga Tsino.

Ang totoo, batid ni Marcos ang kahalagahang mapanatili sa Pilipinas ang kontrol sa West ­Philippine Sea – na talaga namang sa atin. Batid din niya marahil na rito nakasalalay ang ikauunlad ng Pilipinas.

Batay sa mga pag-aaral ng mga ekspertong in­atasang magsaliksik sa Spratlys na bahagi ng West Philippine Sea, malaki ang potensyal na bumulusok pataas ang antas ng ekonomiya ng Pilipinas sa ­sandaling pakinabangan ang mayamang deposito ng langis sa kailaliman ng naturang karagatan.

Sa puntong ito, higit na kailangan ng susunod na Pangulo ang tiwala at suporta para sa iisang adhikain – ang ibangon ang Pilipinas sa bangungot na dala ng mga nakalipas na panahon.

172

Related posts

Leave a Comment