UMAABOT sa 17,358 pamilya na binubuo ng 65,005 indibidwal ang inilikas sa lalawigan ng Quezon dahil sa pananalasa ng bagong Ulysses.
Ayon kay Quezon PDRRMO head Melchor Avenila, pinakamaraming inilikas sa mga islang bayan na bumubuo sa Polillo group of islands, na siyang tinumbok ng bagyong Ulysses.
Ganoon din sa Quezon northern towns sa REINA area, (Real-Infanta-General Nakar) na siyang ikatlong landfall ng bagyo.
Unang tumama sa kalupaan ang mata ng bagyo sa islang bayan ng Patnanungan bago muling naglandfall sa isla ng Polillo sakop ng bayan ng Burdeos.
Naitala ang ikatlong landfall nito sa bayan ng General Nakar bago bumagtas patungo sa central Luzon.
Ayon kay Abenilla, Miyerkoles pa lamang ng gabi ay bumagsak na ang lahat ng linya ng komunikasyon sa mga nasabing bayan kaya hindi pa matiyak kung gaano ang naging pinsala ng bagyo roon.
Pero inaasahan na umano ang pagkawasak ng mga pananim at pagtumba ng mga puno dahil sa hagupit ng bagyo.
Wala pa ring natatanggap na bilang ng casualty mula sa buong lalawigan ng Quezon.
Kabilang din sa mga bayan na nawalan ng suplay ng kuryente ang Alabat, Agdangan, Buenavista, Burdeos, Calauag, Catanauan, Dolores, Gen Luna, Guinayangan, Gumaca, Lopez, Lucban, Padre Burgos, Panukulan, Pitogo, Perez, Plaridel, Polillo, Quezon, Real, San Andres, Sariaya, Tagkawayan, San Andres, Unisan, Lucena City, Mauban, Jomalig, San Narciso, Mulanay, at San Francisco.
Nagkaroon din ng mga pagtaas ng tubig at pagbabaha sa mga bayan ng Calauag, Catanauan, San Narciso, General Nakar, Infanta at ang bayan ng Lopez.
Sa mga oras na ito ay hindi na muling passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang bahagi ng Maharlika highway sakop ng Barangay Canda Ibaba na dati ring binaha noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Pepito noong October 21.
Umaabot na sa hanggang bewang pataas ang ang baha sa nasabing lugar.
Bagamat papalayo na ang bagyo, patuloy pa rin ang paglilikas ng mga tauhan ng PDRRMO sa mga resiente na nasa mga delikadong lugar dahil lumalaki pa rin ang tubig dala ng patuloy na pag-ulan. (NILOU DEL CARMEN)
212 