IPINAGTANGGOL ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang karapatan ng mga restaurant na tanggihan ang mga hindi bakunadong customers.
Ang katuwiran ng Chief Executive, posibleng maging potential spreaders ang mga ito ng coronavirus disease (COVID-19).
“So ‘yan ang dahilan kung bakit ka na hindi makapasok. And I understand, and I support itong mga restaurants and all na delikado sa contamination sa public. You have my support. Huwag mo silang pakainin ,” ayon pa rin sa Chief Executive.
“Kailangan talaga lahat mabakunahan. Ang mga ayaw, they should not be allowed inside public restaurants or resorts because they are a threat to public health and the safety of the general public. Threat to public health,” ayon sa Pangulo.
Ang business establishments gaya ng restaurants ay nagsimula nang tumanggap ng kostumer kasabay ng pagtaas ng operational capacities.
Ito ay naging posible na sa mga bansang may umiiral na Alert Level System (ALS) na sinasabing ” more calibrated for commerce” na salungat naman sa lumang quarantine classification system.
Subalit sa kabila ng mas “lenient protocols” at mababang bagong COVID-19 cases, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangan pa ring harapin ang mga unvaccinated individuals at iyong mga hindi sumusunod sa tamang health protocols.
o0o
COVID RECOVERIES
PAYAGAN SA RESTO
DAPAT ding payagang kumain sa restaurant ang mga naka-recover mula sa COVID-19 at iyong mga partially vaccinated dahil sa medical conditions.
Ito ang pahayag ni National Task Force Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa matapos sabihin ni Pangulong Duterte na dapat i-ban ang mga unvaccinated individual sa restaurants at establisimyento dahil maaaring maka-kontamina ang mga ito sa iba.
“Kung ikaw ay nagka-COVID, na-ICU, kahit ikaw ay hindi ka vaccinated, may antibodies ka, so safe din ako kasama yung mga ganoon. Ang third… yung mga hindi nabakunahan because may allergy sila,” ayon kay Herbosa sa Laging Handa briefing.
“So idadagdag ko ‘yun. Fully vaccinated, natural immunity sa dating impeksyon, at those that cannot be vaccinated because of some medical condition,” dagdag na pahayag ni Herbosa.
Samantala, suportado naman ni Herbosa na payagan ang mga unvaccinated individual sa “outdoors” para mapigilan ang pagkalat ng virus.
o0o
Magpapabakuna sa Nat’l Vax Day
HINDI ABSENT
SA TRABAHO
HINDI mamarkahan ng “absent” ang mga empleyado na magpapabakuna laban sa COVID-19 sa isasagawang 3-day national vaccination event sa Nov. 29-Dec. 1.
Kailangan lamang na magpakita ng “proof of inoculation” ang mga empleyadong magpapabakuna laban sa nasabing virus.
Tinintahan ni Pangulong Duterte ang kautusan na nagsasaad na ang mga empleyado na makatatanggap ng COVID-19 shots sa nasabing mga araw ay hindi mamarkahan ng absent subalit kailangan na magpakita ng pruweba na binakunahan nga sila.
Nauna rito, idineklara naman ni Pangulong Duterte ang November 29, 30 at December 1 bilang Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days.
Nakasaad ito sa ilalim ng Proclamation 1253 na ipinalabas ni Pangulong Duterte nitong Miyerkoles kung saan ay pinapayagan ang public at private sector employees na magpabakuna. (CHRISTIAN DALE)
