(CHRISTIAN DALE)
“WALA ka sigurong alam!”
Ito ang buwelta ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Vice President Leni Robredo makaraang ihalintulad nito sa pangingikil ang paghingi niya ng bayad mula sa US para sa pagpapatuloy ng mga aktibidad sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Sinabi kasi ni Robredo na parang gawain lamang ito ng isang kriminal.
Ibinunyag ni Pangulong Duterte na unti-unti nang pinalalakas ng Amerika ang base nito sa Subic.
Iginiit niya bilang mensahe kay Robredo na maraming armas na ng Amerika ang nakalagay sa Pilipinas at unti-unti nang nako-convert ang Subic sa isang American base.
“Alam mo ba ma’am, as president do you know there are so many depot, maraming armas dito na nakalagay sa Pilipinas ang Amerika. Do you know they are slowly converting Subic into an American base,” ayon sa pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi.
“Wala ka sigurong alam. These are things knows to us because I have reports and assessment given to me by the AFP (Armed Forces of the Philippines). Ang unang tatamaan kung nagkagera ang Amerkano sa Pilipinas, alam mo, the meltdown will start in Palawan, it’s the province facing Spratly,” anito.
Ayon pa sa pangulo, “In worst case scenario, kung may isang gago dyan na magpaputok ng rocket gulo na yan, and the Philippines will be drawn into the vortex of the conflict that is called war.”
Ipinamukha nito kay Robredo na nakasaad sa 1987 Constitution “that foreign relations or foreign policy is vested on the president alone.”
“She’s (Robredo) a lawyer and she forgets that the Constitution says that is my function, it is not their function at kung ano ang gusto kong sabihin para sa bayan may purpose ‘yan,” anito.
Aniya pa, bumili ng armas ang Pilipinas sa Estados Unidos ngunit bumilang naman ng maraming taon bago ito naideliber sa bansa.
Bukod dito, tinanggihan ng US Congress ang kahilingan ng Pilipinas na bumili ng mga helicopter.
“I have talked with some Americans, sabi nila yung war games, it’s coming in May. Ang mga Amerkano, nagdala ng armas, mag-display sila, tinuturuan nila ang Pilipino pa’no gumamit during war games and then after that they go home and bring back their equipment – iyan ang lamentations ng Pilipino, yan ang hindi alam ni Robredo,” dagdag ng Punong Ehekutibo.
Sinabi ng pangulo na walang alam ang bise presidente sa mga nangyayari, dahil ang mga nabanggit niya ay galing sa mga ulat at assessment ng AFP.
“Pagkaalam ni Robredo, nothing’s wrong with America and the Philippines. Ikaw ma’am, I’m sorry to say you are not really qualified to run for president, you do not know your role in this government,” ayon sa pangulo.
Dahil dito, kumbinsio si Pangulong Duterte na walang kakayahan si Robredo na maging isang pangulo base sa mga nasabi nito tungkol sa VFA.
“Kinakabahan ako if by chance mag-president ka… If by unfortunate chance you become president, please study more, you need a refresher course in law,” ayon kay Pangulong Duterte na malinaw na ang pinatatamaan ay si Robredo.
Samantala, ang payo naman ni Pangulong Duterte kay Senator Panfilo Lacson ay komunsulta sa mga abogado upang malaman nito kung alin sa mga isyu ng bansa ang dapat niyang bigyan ng komento.
Ayon sa pangulo, naging tuso si Lacson sa maraming mga patama nito sa nakalipas.
Ngunit Iginiit ng punong ehekutibo na mali ang mga naging pahayag ni Lacson sa maraming bagay at ngayon ay nagkokomento ang senador sa isang isyu na wala naman itong kinalaman.
181 