BUGBOG si Saul ‘Canelo’ Alvarez sa kamay ni Dmitry Bivol kamakalawa ng gabi sa kanilang light heavyweight match sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.
Dami sigurong natalo sa pustahan, dahil liyamado si Alvarez. Sa mga nanalo, balato naman.
Kung mayroon mang rounds na nakuha si Alvarez, nasa 3 o apat lang. Kaya hindi nakapagtatakang unanimous decision ang resulta pabor kay Bivol.
Ang nakapagtataka, dikit ang iskor ng mga hurado, bawat isa 115-113 ang ibinigay.
Hindi po dikit ang laban. Kitang-kita naman sa hitsura ng mukha ni Alvarez matapos ang laban.
Hindi natin alam kung ano ang iniisip ng mga hurado habang pinapanood ‘yung laban. Hindi naman siguro pinlanong itabla ‘yung laban? Dahil kahit natalo si Alvarez, may ‘rematch clause’ naman sa kontrata nila, ibig sabihin, maaari silang maglabang muli.
Bakit natalo si Alvarez kay Bivol?
Una, masyadong malaki si Bivol. Ikalawa, ang bagal ni Alvarez. Ikatlo, huwag maging suwapang.
Makuntento na lang sana si Alvarez sa 168-pound division, kung saan dominado niya.
Masyadong malaki sa kanya si Bivol as light heavyweight.
Bukod dito, magaling si Bivol. Masipag at laging swak sa mukha ni Alvarez ang kumbinasyon.
Magpahinga muna si Alvarez, pag-isipang mabuti ang susunod na hakbang.
Kung makikipag-rematch kay Bivol, aba, dapat sipagan niya ang suntok. Hindi uubra ‘yung ginawa niya nitong Sabado, bawat suntok ng Russian boxer sinalo niya.
Kapag ganoon ulit ang gagawin niya sa rematch, tiyak hindi na 115-113 ang magiging iskor.
O kaya labanan niyang muli si Gennadiy Golovkin. Bukod sa parehas ang laban, mas inaabangan ito ng fans.
***
MATAPOS maglabasan ang balita nang pagkaka-istrip ng WBO bantamweight ni kay John Riel Casimero, wala pa tayong nabasa o narinig na reaksyon mula sa kampo nito. Maliban sa vlog ng ilang mga taga-suporta niya.
Maging ang kinaroroonan ng boksingero ay walang nakakaalam, maliban pa rin sa ilang malalapit sa kanya.
May nagsasabing nasa San Diego (California) na ang dating kampeon. May nagsasabi namang nananatili ito sa UK at nakikipagbonding sa mga kaibigan doon.
Hindi naman kailangang ilihim ang kinaroroonan niya. Boksingero siya at rated No. 1 pa nga sa world.
Maituturing din siyang celebrity o public figure, kaya hindi dapat isekreto kung nasaan man siya o kung ano ang susunod niyang hakbang sa boxing career.
Sa ganang akin, kailangang pabanguhin ni Casimero ang pangalan. Tama na muna ang pakikipag-away ng kampo niya sa ilang vlogger.
Isipin ang kinabukasan, lalo na’t may manager namang tumutulong sa kanya ngayon. Samantalahin habang kaya pang lumaban.
Kahapon, tapos na ang Philippine presidential election.
May panahon nang muli si eight-division world champion Manny Pacquiao para sa mga Pinoy boxer na tinutulungan ng kanyang MP Promotions.
Pwedeng alamin ni Pacquiao kung ano ang tunay na nangyari kina Casimero at kay MP Promotions president Sean Gibbons. Ang dahilan kung bakit umalis sa MP Promotions at naghanap ng manager ang dating WBO champion at iba pang mga naging kaganapan, noong panahong abala ang senador sa pangangampanya.
Aabangan natin ‘yan!
