HINDI issue ng speakership ang dahilan ng pagbuo ng panibagong grupo sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay dating House Speaker at Taguig-Pateros Congressman Allan Peter Cayetano, walang maidudulot na maganda sa taumbayan ang ginagawa ngayon ng mga namumuno sa Kongreso na mas binibigyang-pansin ang pulitika sa halip na dagliang pagtulong sa mamamayan sa gitna ng nararanasang pandemya.
Ayon kay Cayetano, mas maraming usapin sa Kongreso ang dapat bigyang prayoridad tulad ng COVID-19 vaccination, PhilHealth anomaly, pagbaba ng presyo ng palay, at iba pa gayung alam naman ng lahat na hindi pa nakababangon ang taumbayan sa hirap na dinaranas ngayon dulot ng pandemya at marami pang iba na para sa kapakanan ng mamamayan at hindi iyong Cha-Cha at muling pagbubukas ng ABS-CBN ang nais ng House of Representatives leader at mga alipores nito.
“Inyo na ang speakership kahit isaksak nyo pa sa baga n’yo yan ang sa amin ay para sa tao. Itigil ang pulitika kaya napunta sa kaunting katamaran sa halip na importanteng issues ang pag-usapan napunta sa political issues kaya’t naging trapo ulit. Kaya ang tawag na sa ngayon sa halip na House of the People ay “House of Politics”, ani Cong. Cayetano.
Dahil dito, nabuo ang ‘BTS’ group sa Kongreso na inihalintulad noong panahon ni dating Pangulong Estrada na may “Spice Boys”. Ang BTS anila ay Back to Service na kinabibilangan nina Cayetano, Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, AnaKalusugan Party-list Michael Defensor, Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, Batangas Rep. Raneo Abu, Laguna Congressman Dan Fernandez at iba pa.
Nanawagan din ang BTS sa kasalukuyang pamunuan sa Kongreso na mas bigyang prayoridad ang mga usaping agarang makatutulong sa sambayanan. (CESAR BARQUILLA)
