ITINANGGI ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hinarang nito ang grupo nina Atty. Ferdinand Topacio at dating kongresista Mike Defensor sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, malinaw ang probisyon ng House rules hinggil sa paghahain ng impeachment complaint.
“The problem is straightforward: there is no House member endorser. Without an endorser, the complaint cannot move. That is what the rules clearly provide,” ani Adiong.
Matatandaang nagtungo sa Kamara ang grupo nina Topacio at Defensor noong Enero 22 upang ihain ang kanilang reklamo, subalit hindi ito tinanggap ng Office of the Secretary General dahil wala umano ang Secretary General na si Cheloy Garafil, na noon ay nasa Taiwan.
Samantala, ang hiwalay na impeachment complaint ng Makabayan bloc—na inendorso ng tatlong militanteng mambabatas—ay hindi rin agad tinanggap sa unang paghahain. Gayunman, muling inihain ito noong Enero 26, isinama sa order of business, at agad na inirefer sa House Committee on Justice.
“Naniniwala akong walang pumipigil sa kanila. Kung gusto talaga nilang umusad ang impeachment complaint nila, the rule is very simple: they need a House member to endorse it,” dagdag ni Adiong.
Dahil dito, tinawag ng mambabatas na “unnecessary noise” ang mga alegasyon ni Topacio, at iginiit na kung may endorser ang kanilang reklamo, maaari nilang muling ihain ito tulad ng ginawa ng Makabayan bloc.
Sa kabilang panig, itinanggi naman ni Kabataan party-list Rep. Renee Co ang paratang ni Topacio na pinagbigyan umano ng liderato ng Kamara ang Makabayan kaya tinanggap ang kanilang impeachment complaint.
“Walang katotohanan. Hindi kami pinagbigyan; may banta pa ngang iisnabin ang impeachment complaint ng taumbayan na may 36 complainants. Kung hindi lang napressure ang liderato ng Kamara dahil sa galit ng publiko, baka hindi pa rin tinanggap ang complaint nitong Lunes,” ani Co.
Bilang bahagi aniya ng henerasyong patuloy na binibiktima ng korapsyon, iginiit ni Co na ipagpapatuloy nila ang laban upang mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian, kahit pa umano nasa pinakamataas na antas ng pamahalaan.
“Malinaw na wala tayong sinasanto Marcos man o Duterte,” ani Co, at idinagdag na walang batayan ang alegasyon ni Topacio.
(BERNARD TAGUINOD)
33
