PARA protektahan ang lokal na mangingisda, hiniling ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatigil din ang importasyon ng isda, partikular ang galunggong dahil sa pinsalang dulot nito sa maliliit na mangingisda.
Reaksyon ito ng grupo kasunod ng pagtabla ng Pangulo sa planong importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal.
“Kasunod ng pagharang niya sa importasyon ng asukal, dapat ding ipatigil ni Marcos ang importasyon ng isda, partikular ng galunggong, dahil sa pinsalang dulot nito sa lokal at maliliit na mangingisda,” ayon sa grupong PAMALAKAYA.
Dapat anilang ipawalang-bisa ni Marcos ang Fisheries Administrative Order (FAO) 195, na ginagamit ng Department of Agriculture (DA) bilang legal na batayan para mag-angkat ng libu-libong metriko toneladang galunggong (round scad), bukod sa iba pang pelagic fish, sa mga nakaraang taon. Ang FAO 195 ay nilagdaan noong 1999 ng noon ay kalihim ng agrikultura na si Edgardo J. Angara.
Paliwanag pa ng grupo ng mga mangingisda na ang mga inangkat na isda ay “nagdudulot ng malubhang pinsala” sa lokal na industriya ng pangingisda. Ang farm gate price ng galunggong, anila, lalo pang bumababa ang presyo sa pagpasok ng mga imported na isda, dahil mas gusto ng mga lokal na mangangalakal ang huli na medyo mas mura kumpara sa lokal na ani ng isda.
“Its immediate impact would be directly felt by our small fisherfolks whose products are outcompeted by imported fish. Importation that stems from liberalization policies has to stop,” dagdag pa ni Arambulo. (PAOLO SANTOS)
