Ni JOEL O. AMONGO
HINDI nakaiwas ang isang ipinuslit na sasakyang dagat matapos tikarin ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) gamit ang bagong patrol boats na sadyang inilaan para tugisin ang mga pirata sa karagatang sakop ng bansang Pilipinas.
Kumpiskado sa operasyong ikinasa ng Enforcement and Security Service (ESS), BOC Quick Response Action Team at Water Patrol Division ang MV Long Xiang 8 na unang naispatan sa Port of Iloilo kamakailan.
Ayon sa tanggapan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ang nasabing sasakyang dagat ay karay-karay ng mas malaking M/V AAL Kobe nang masabat ng kanilang mga operatiba.
Sa pahayag ng BOC, nagtangka pa umanong ikubli ang MV Long Xiang 8 nang pintahan ang tagilirang bahagi ng nasabing barko kung saan ipinaskil ang isa pang pangalan – YUE XIN HE 813 sa pagnanais na makaiwas sa bulilyaso.
Gayunpaman, hindi pa rin nakalusot ang nasabing sasakyang dagat makaraang mabigong makapag-prisinta ang mga lulang tripulante ng mga kaukulang dokumentong magpapatunay ng legalidad ng nasabing barko.
Bukod sa hindi umano saklaw ng manifest waybill, wala rin umanong kaukulang import declaration entry ang naitala ng may-ari ng barko sa BOC.
Kasalukuyan nakabarega sa isang bahagi ng Manila Bay malapit sa BOC central office ang kumpiskadong barko habang inihahanda ang mga dokumento para sa seizure proceedings kaugnay ng paglabag ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
