Hindi lang mga COVID positive OFWs SA HK NA WEEKLY MAG-DAY OFF SIBAK DIN SA TRABAHO

ofw

HINDI lang ang mga nagpopositibo sa COVID-19 na Filipino workers sa Hong Kong ang tinatanggal sa trabaho kundi maging ang mga nagde-day off linggo-linggo.

Ito ang nabatid kay House assistant majority leader Nina Taduran kaugnay ng kalagayan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng paglaganap ng COVID-19 sa administrative region na ito ng People’s Republic of China.

“I have heard also of reports saying that these OFWs get terminated by their employers just
because they insist on using their day off,” ayon sa mambabatas.
Dahil dito, kailangan aniyang kumilos ang konsulada ng Pilipinas para ipagtanggol ang karapatan ng mga manggagawang Pinoy.

Bagama’t naiintindihan ng mambabatas na nangangamba ang mga employer na makapag-uwi ng virus
ang mga OFW kapag pinayagan mag-day off, hindi dapat ipagkait sa mga ito ang isang araw na pahinga.

Base sa mga report, may OFWs na napipilitang matulog sa kalsada dahil sinibak ng kanilang amo matapos tamaan ng COVID-19 na ayon sa mambabatas ay labag sa batas.

Sa ilalim aniya ng Employment Ordinance and Standard Employment Contract sa Hong Kong, hindi maaaring basta tapusin ng employer ang kontrata sa pagtatrabaho ng isang OFW o sinomang foreign domestic helper dahil lamang nagkaroon ito ng COVID-19.

Samantala, naalarma rin si Sen. Joel “TESDAMAN” Villanueva sa mga ulat na may mga employer sa Hong Kong na tinatanggalan ng trabaho o inaabandona ang kanilang empleyadong Pinoy na tinamaan ng nasabing virus.

Nanawagan si Villanueva na Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Authority, at Department of Labor and Employment para sa agarang pagtukoy at pagtugon sa mga ulat na ito.

“Parusa po sa may sakit na OFW ang tanggalan siya ng trabaho. Labag po ito sa karapatang pantao at common decency, anumang panig ng mundo,” sabi ni Villanueva.

Nais ng chairperson ng Senate committee on labor, employment and human resources na maging proactive at mahigpit sa pagmamatyag ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Philippine Consulate General sa Hong Kong sa mga lumalabas na balita.

Dagdag ni Villanueva, kailangang ihanda na ng itatatag pa lamang na Department of Migrant Workers ang agaran at maayos na pagresponde sa ganitong sitwasyon kapag may naupo nang kalihim sa susunod na administrasyon.

Babala
sa employers

Kaugnay nito, binalaan ng Consulate General ng Pilipinas sa Hong Kong ang mga employer na malalagay sila sa blacklist kapag basta na lamang sinibak o pinabayaan ang kanilang empleyado sa oras na tamaan ng COVID-19.

Pahayag ito ni Consul General Raly Tejada, kasunod ng pagkakasagip sa 10 OFWs na napilitang matulog sa labas ng mga pagamutan makaraang sibakin ng kanilang amo.

“‘Yong mga walang pusong employer na nagkasakit na nga ‘yong ating mga kababayan, tinerminate pa, pananagutin natin sila sapagkat labag sa batas ng Hong Kong ‘yong mag-terminate ng empleyado. Sa madaling salita, hahabulin natin sila,” ayon kay Tejada.

Sa datos ng POLO (Philippine Overseas Labor Office) sa Hong Kong, nasa 60 OFWs na ang nagpositibo sa COVID-19.

Nararanasan ngayon sa nasabing teritoryo ang ikalimang wave dulot ng Omicron variant.

Nasa 49 naman ang asymptomatic at nasa ‘community isolation’, siyam ang may sintomas at nasa ospital habang dalawa ang nakarekober na.

“As COVID-19 infection is not a valid ground for termination, POLO closely coordinated with employers to reassure workers that they can still return to work once they recover,” ayon naman sa DOLE. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES/RENE CRISOSTOMO)

224

Related posts

Leave a Comment