HINDI lang pagtaas ng sahod ang nais ni Rizal District IV Representative Juan Fidel Felipe Nograles dahil mas mahalaga aniya ang mabigyan ng trabaho at hanapbuhay ang mga Pilipinong manggagawa.
Kaya nga kamakailan sa pagdalaw ng kongresista sa bayan ng Montalban, pinangunahan niya ang orientation para sa humigit kumulang sa limang libong residente sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DoLE) nitong nakaraang Sabado, Pebrero 15, 2025, sa Barangay San Rafael ng nasabing bayan.
Layunin ng orientation na makapagsumite ng mga kaukulang requirements ang mga benepisyaryo ng TUPAD, ang community-based na inisyatibo ng Kagawaran na nakadisenyo para magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at iba pang krisis sa bansa.
“Ito rin ay proyekto na nakasentro sa pagtulong sa mga ‘underemployed, self employed at displaced marginalized worker,” pinunto ni Nograles sa mga dumalong Montalbeño na umaasa ng mahalagang tulong mula sa kinatawan ng kanilang lalawigan ng Rizal sa Mababang Kapulungan.
Isinusulong ng mambabatas ang karagatan pang benepisyo, kabilang na ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa batay sa pangrehiyong pamantayan ng minimum wage, trabaho sa loob ng 10 hanggang 30 araw, personal accident insurance at iba pang programa na pangkomunidad.
Bilang chairman ng House labor and employment committee, nais din ni Nograles na magkaroon ng kabuhayan o pagkakakitaan ang kanyang mga kababayan sa Montalban sa pamamagitan ng TUPAD.
At pinangako rin ni Nograles na hindi siya titigil sa pagsisikap sa pagtulong sa mga residente ng Montalban tulad ng pagbibigay ng mga serbisyong medikal at iba pang tutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan ng nasabing bayan.
Matatandaang ipinaglaban ni Nograles ang P200 increase sa kada araw na suweldo ng mga manggagawa subalit alam nitong bahagya lang na maiibsan nito ang paghihirap ng mga pamilyang nahihirap sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Alam ito ng mga Montalbeño kaya naman lahat ng kanyang mga programa at aktibidad ay patuloy na sinusuporta upang matiyak na mapagtatagumpayan ang hagupit ng kahirapan.
Sa katunayan, sa panayam ng SAKSI NGAYON sa isang lolo na residente ng Bgy. San Rafael, naging emosyonal ito sa pagpuri kay Nograles: “Sa lahat ng nakilala kong naging kongresista ng Montalban ay si Cong. Fidel Nograles lang ang may puso sa tulad naming mahirap, kaya hindi ko maiwasang maipakita ang aking emosyon dahil tunay ang binibigay na paglilingkod ng aming kinatawan at boses sa ating Kongreso.”
Lubos naman ang pasasalamat ni Nograles sa mga taga-Montalban na nakiisa sa kanyang mga programa’t adhikain, Tulad na nga ng TUPAD.
Dahil dito, inaasahan sa susunod na mga araw ay isasakatuparan na ang program para magbigay ng kabuhayan sa libu-libong residente ng Montalban. (JOEL O. AMONGO)
