(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
LALONG umiinit ang panawagan mula sa iba’t ibang sektor na silipin ang mga politiko at party-list groups na umano’y sinuportahan ni Zaldy Co, matapos itong magtago sa ibang bansa sa gitna ng malawakang trillion-peso flood control anomaly na yumanig sa pamahalaan.
Si Co ay dati nang iniugnay sa malalaking iregularidad sa mga proyekto ng imprastraktura, na sinasabing dahilan ng pagkakatanggal sa pwesto nina Senate President Francis “Chiz” Escudero at House Speaker Martin Romualdez. Ang naturang iskandalo ang nagbunsod sa pagbuo ng Independent Commission on Infrastructure (ICI), na kasalukuyang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga proyekto ng gobyerno.
Ayon sa mga ulat, ilan sa mga party-list groups na umano’y sinuportahan o may kaugnayan kay Co ay ang WiFi, BHW, United Senior Citizens, at Ako Bicol. Naniniwala ang ilang political observers na dapat ding silipin ang mga proyekto ng mga grupong ito dahil posibleng nagamit ang mga ito sa maanomalyang transaksyon sa ilalim ng flood control program ng gobyerno.
Ayon sa contractor na si Curlee Discaya, si Co umano ay kabilang sa mga opisyal na nakatatanggap ng malaking porsyento mula sa halaga ng mga kontrata sa gobyerno. Ibinunyag din ni Discaya na matagal nang umiiral ang sistemang ito sa ilang proyekto ng DPWH at lokal na pamahalaan.
Lumabas din sa mga ulat na ang ilang construction firms na may kaugnayan sa pamilya ni Co, kabilang ang Sunwest Construction, ay nakakuha ng malalaking kontrata sa panahon na siya ang namumuno sa House Committee on Appropriations — ang komiteng may kapangyarihang magdesisyon sa pambansang badyet.
Samantala, nagpahayag ng galit at pagkadismaya ang mga residente, estudyante, at mga grupong panrelihiyon sa Albay, ang lalawigan ni Co, dahil sa nasabing kontrobersiya. Nagsagawa sila ng mga protesta at solidarity march, na nananawagan kay Co na umuwi sa bansa at harapin ang mga alegasyon na umano’y nakakahiya sa kanilang probinsya.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ICI at ng Office of the Ombudsman sa mga alegasyon laban kay Co at sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa mga source, may mga inirerekomendang kasong kriminal na posibleng isampa sa mga susunod na linggo.
Ayon sa mga tagamasid, magiging litmus test ito ng kampanya ng administrasyon laban sa korupsyon. “Kung talagang seryoso ang gobyerno sa paghahabol ng katotohanan, dapat walang sasantuhin — kahit gaano pa kalaki ang pangalan,” ayon sa isang political analyst.
