Hindi man pasok sa Paris Olympics PINOY PROUD PA RIN SA GILAS

“IT was a great fight, Gilas Pilipinas. You have made us Filipinos proud!”

Ito ang magagandang salita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa Gilas Pilipinas na inihayag niya sa kanyang opisyal na X (dating Twitter) account, matapos tapusin ng men’s national basketball team ang kampanya nito sa FIBA Olympic Qualifying Tournament, araw ng Sabado.

Nabigo kasi ang Gilas Pilipinas na payukuin ang Brazil sa naturang laro. Sa puntos na 71-60 pabor sa Brazil, sa semifinals ng FIBA Olympic Qualifying Tournament kagabi sa Latvia.

Sa pagkatalo, ang Philippine men’s basketball team ay sibak na sa kontensyon para sa Paris Olympics.

Sa ulat, tinapos ng mga Pinoy ang kanilang dream run sa qualifiers sa pamamagitan ng upset win kontra Latvia at back-to-back losses laban sa Georgia sa group stage at Brazil sa semis.

Nanguna si Justin Brownlee para sa Pilipinas na may 15 points, 8 rebounds, 2 assists, at 1 steal, habang nagdagdag si Dwight Ramos ng 13 markers, 3 dimes, at 3 boards.

Nag-ambag si June Mar Fajardo ng 10 points, 10 rebounds at 2 assists, habang umiskor din si CJ Perez ng 10 points na sinamahan ng 3 rebounds, 3 steals, at 2 assists.

“It’s funny. We didn’t expect to be here. But when we got here, we expected to win,” wika ni head coach Tim Cone matapos ang laro.

“It’s very painful that we didn’t, especially after our halftime lead,” dagdag ni Cone, na inamin na ininda ng Gilas ang pagkawala ni center Kai Sotto matapos magtamo ng injury laban sa Georgia sa group stage.

Nanguna sa scoring para sa Brazil si dating Toronto Raptor Bruno Caboclo na may 15 points, 11 rebounds, at 3 blocks, habang gumawa si Lucas Dias ng 10. (CHRISTIAN DALE)

165

Related posts

Leave a Comment