Hindi na requirement sa Alert Level 1-3 FACE SHIELDS VENDORS LUGI

‘LUHAAN’ ang mga tindero ng face shield ngayong binawi na ng Palasyo ang mandatory na pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.

Himutok ng mga vendor, hindi nila alam kung paano mababawi ang puhunan ngayong hindi na inoobliga ang publiko sa pagsusuot nito.

Nitong Lunes, epektibo ang pagbawi sa kautusan sa mga lugar na nasa alert level 3 pababa kabilang ang National Capital Region (NCR).

Ayon sa ilang vendor, mula sa dating 10 piso kada piraso ng face shield, P7 hanggang P8 na lamang ito ibinebenta para lamang mapaubos.

Gayunman, wala na halos bumibili ng face shield.

Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon na luwagan ang face shield policy at panatilihin ang equipment mandatory sa mga lugar na nasa ilalim lamang ng enhanced community quarantine (ECQ), coronavirus disease (COVID-19) alert level 5, at granular lockdown.

Batay sa kopya ng memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, nakasaad dito na inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na limitahan ang paggamit ng face shields epektibo, Nobyembre 15.

Kinumpirma rin ni Medialdea ang “authenticity” ng dokumento sa Malacañang reporters.

Sa kabilang dako, ang mga sumusunod na guidelines o alituntunin sa paggamit ng face shields na agarang magiging epektibo ay ang:

a.) Para sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 5 at granular lockdowns, ang paggamit ng face shields sa community settings ay kailangan na mandatory

b.) Para sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 4, ang local government units (LGUs) at pribadong establisimyento ay binibigyan ng diskresyon na imandato ang paggamit ng face shields

C.) Para naman sa mga lugar na nasa ilalim ng alert levels 3, 2, and 1, ang paggamit ng face shields ay boluntaryo.

Samantala, hindi pa naipatutupad nang buo ng pamahalaan ang Alert Levels System (ALS) sa buong bansa.

Ang local government unit (LGUs) na hindi pa naisasailalim sa bagong pandemic response system ay mayroong diskresyon na imandato ang paggamit ng face shields maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at iyong mga nasa ilalim ng granular lockdown, ito ay mananatiling mandatory.

Samantala, ano man ang community quarantine classifications, ang paggamit ng face shields ay mananatiling mandatory sa medical at quarantine facility settings.

Required ding gumamit nito ang medical workers sa healthcare settings. (CHRISTIAN DALE)

203

Related posts

Leave a Comment