HINDI NAMAYANI ANG PUSO’T MALASAKIT NG RED CROSS SA 130,000 OFWs

UMABOT sa 6,000 overseas Filipino workers (OFWs) hanggang nitong Oktubre 21 ang pinadiretso sa mga hotel dahil hindi sila sumailalim sa RT – PCR swab test, o coronavirus disease 2019 (COVID-19) test, nang dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang dahilan dito ay ipinatigil ng Philippine Red Cross (PRC) ang pag-alam kung may virus, o wala, ang dumarating na libu-libong OFWs araw-araw.

Ayon sa balita, nagdesisyon ng ganyan ang Red Cross na matagal na ring pinamumunuan ni Senador Richard Gordon dahil hindi pa raw nagbabayad ng P930 milyon ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kanila.

Para sa kaalaman ng mga mambabasa, nakuha ng PRC ang kontrata ng RT-PCR swab test sa mga OFW mula sa PhilHealth nitong Hulyo.

Sabi ni Gordon sa media nitong Agosto ay P100 milyon ang paunang-bayad ng PhilHealth sa PRC.

Kaya, P700.5 milyon ang balanse, o hindi pa nabayaran ng PhilHealth, nitong Agosto.

Umabot na ito sa P930 milyon ngayong Oktubre 21, ayon sa balitang inilabas ng PRC sa media.

Sa halip na tatlong araw ang pananatili ng animnapung libong manggagawang naghanap-buhay sa iba’t ibang bansa ay lalampas pa ito dahil sa pagkakaantala ng RT-PCR swab test sa kanila.

Ang swab test ay rekesitong itinakda ng administrasyong Duterte, sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), kung saan ang layunin ay upang matiyak na walang dalang COVID-19 ang mga darating na OFW sa bansa.

Kung negatibo sila sa COVID-19, makauuwi na ang OFWs sa kani-kanilang pamilya.

Kung positibo naman, matitigil sila sa mga hotel hanggang matiyak na wala na silang COVID-19.

Ayon kay Labor Secretary Sylvestre Bello III, ang 6,000 OFWs ay posibleng umabot ng higit 130,000 sa katapusan ng taon ang mapeperwisyo sa mga manggagawang ito kapag manatili ang problema sa COVID-19 test.

Nitong Oktubre 21, nanawagan ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Red Cross na ituloy na uli nito ang RT-PCR swab test dahil tiniyak na ng pangulo na siguradong babayaran ang kalahati ng P930 milyon.

Kung tiniyak na ni Duterte na babayaran ng PhilHealth, bakit hindi kagyat na umaksiyon si Gordon?

Wala bang tiwala ang senador na ito sa kanyang kaibigan na pangulo ng Republika ng Pilipinas?

Syempre, lalampas ng isang bilyon sa mga susunod na linggo at buwan dahil mahigit 130,000 OFWs ang inaasahang darating sa Pilipinas sa pagtatapos ng taon.

Ipagpalagay nating maantala pa ng ilang buwan ang pagbabayad ng PhilHealth dahil nakapokus ang pangulo nito na si Atty. Dante Gierran sa pagreresolba sa gaparalang katiwalian, korapsyon at pandarambong ng ilang opisyal ng PhilHealth.

Nangangahulugang hindi aaksyon ang Red Cross dahil wala pang bayad ang PhilHealth.

Ang kawawa rito ay ang OFWs.

Hindi ang pamahalaan, hindi ang Red Cross at lalong hindi si Senador Richard Gordon.

Ang Red Cross ay itinayo para magkawang-gawa, para maglingkod sa mamamayang Filipino, lalo na sa mga mahihirap.

Hindi galing sa gobyerno ang pera nito.

Nagmula ito sa mga organisasyon at mga taong malambot ang mga puso, ngunit maraming salapi.

Alam ba ninyo na P3,500 ang pabayad ng PRC sa COVID-19 test kung OFW ang kliyente at P4,000 kung hindi.

Tapos, P500 ang dagdag na bayad kung mag-isyu pa ng certificate ang PRC, sabi ni Gordon.

Pokaragat na ‘yan!

Dalawa hanggang tatlong araw mailalabas ng PRC ang resulta nito.

Limang daan hanggang isang libo lang ang diperensya ng presyo ng PRC sa mga pribadong laboratory test.

Kaya, mistulang nakipagpaligsahan pa ang Red Cross sa mga negosyante.

Akala ko libre kapag Red Cross ang nag-asikaso dahil organisasyon ito para sa kawanggawa at paglilingkod-bayan.

Mali pala ako!

Dumidiskarte rin pala ang Philippine Red Cross para kumita.

Kung kumuha ng konrata ang PRC sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng ginawa nito sa PhilHealth, sana pairalin ng pamunuan ng naturang organisasyon ang puso at malasakit sa mga kliyente tulad ng mga OFW.

Ang nakita ko ay hindi namayani ang puso at malasakit ng Philippine Red Cross sa animnapung libong OFWs na posibleng abutin pa ng 130,000 hanggang sa katapusan ng taon.

Alam naman ni Gordon na mabagal ang pagbabayad ng gobyerno dahil maraming dinaraanan, pero naniningil na siya.

At dahil hindi nadaragdagan ang ibinayad na P100 milyon ng PhilHealth, naipit ang OFWs.

Pokaragat na ‘yan!

Ang kontrata ng PRC sa PhilHealth ay kailan lang naganap dahil ngayong taon lang naman pumasok ang COVID-19 sa ating bansa.

Kaya, naniniwala akong hindi dapat naipit ang libu-libong OFWs sa ginawa ng PhilHealth sa Red Cross.

Dapat pinairal at hinayaang namayani ang puso at malasakit ng Philippine Red Cross, lalo pa’t senador ng Republika ng Pilipinas ang pinuno ng huli.

168

Related posts

Leave a Comment