HINIMOK ng pinakamalaking alyansa ng mga unyon at pederasyon ng mga manggagawang Filipino, ang Kongreso na kumilos laban sa 13 porsiyentong umento sa buwanang hulog sa Social Security System (SSS) ng mga naghahanapbuhay sa pribadong sektor.
Sabi ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA labor coalition, nararapat na ipatigil ang 13 porsiyento mula 12% umento sa SSS premium dahil nahaharap pa rin hanggang kasalukuyan sa “health and financial crisis” ang mga manggagawa at kapitalista dulot ng COVID-19.
“The increase might be necessary, but to impose it now is untimely as all are reeling the effect of a worldwide pandemic”, paliwanag ng beteranong lider-manggagawa na pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW).
Bukod sa FFW, kasama rin sa NAGKAISA ang Partido Manggagawa (PM), Sentro at iba pang mahigit 42 unyon at pederasyon ng mga obrero sa maraming panig ng bansa.
Kongreso na ang hinimok ng NAGKAISA na humarang sa desisyon ng pamunuan ng SSS na ituloy ang pagtaas sa buwanang hulog sa nasabing ahensya.
Ilang linggo na ang lumipas, inilabas ng SSS sa media na tuloy ang isang porsiyentong umento ngayong 2021 dahil ipinag-utos ito ng Republic Act 11199 na ipinasa ng Kongreso noong 2018.
Layunin ng R A 11199 na palakihin ang pondo ng SSS upang humaba pa ang buhay nito.
Kung itutuloy ang pagtaas, magiging P450 (4.5%) ang ibabawas sa buwanang sahod ng manggawa at P850 (8.5%) naman ang katapat na babayaran kada buwan ng kanilang mga employer upang maging 13% ang SSS premium mula sa umiiral na 12 porsiyento, paliwanag ni Matula. (NELSON S. BADILLA)
