IBINULGAR muli ni Senador Risa Hontiveros na nagpapatuloy ang operasyon ng ilang prostitution den sa hotel, KTVs at spa na tumatangkilik sa nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil nagbibigay sila ng lagay sa mga corrupt na opisyal sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na umaabot sa halagang P10 bilyon.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kanyang natuklasan na may ilang hotel na ginagamit bilang front ng prostitution para sa POGOs ang nagbukas matapos ipasara ng mga awtoridad.
“A cat and mouse operation is the best way to describe the operations of prostitution dens in hotels, KTVs and other business establishments catering to POGO workers whose bribes to corrupt officials were estimated to reach P10 billion,” ayon kay Hontiveros.
Aniya, nagpapatuloy ang operasyon ng ilang establisimyento sa kabila na ipinasara ito ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa sunod-sunod na pagsalakay.
“The PNP and the NBI were after them during raids. Those involved in the trafficking and prostituting of women and children who were later illegally detained or sexually harassed were even arrested,” giit ni Hontiveros.
“We should really exact due diligence and accountability on the owners and management of these establishments linked to crimes against women and children,” giit pa ng Akbayan senator.
Natuklasan ni Hontiveros na isa mga establisimyentong nagpatuloy ng operasyon matapos ang raid noong Setyembre, 2019 ang Manila Wellness Spa na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Diamond Bay Tower sa Roxas Blvd., Baclaran, Pasay City.
Sa naganap na paglusob, sinabi ni dating NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na inaresto ng pulisya ang 53 kababaihang Chinese na ginagamit bilang sex workers sa dayuhang kliyente at 20 customer nito. Nadampot din ang 13 Chinese maintainers sa prostitution den.
Isang linggo matapos ang paglusob, natuklasan pa ng senador, na nagpatuloy ang operasyon ng naturang spa. Natuklasan din na walang business permit ang gusali at wala ring occupancy permit.
Ayon pa sa ulat, ipinasara ang gusali na pag-aari umano ng isang Benny Cuason, ng Paranaque City government noong nakaraang Disyembre.
Hinihintay pa ni Hontiveros ang tugon ng local government units hinggil sa akusasyon na nagpatuloy ng operasyon ang Diamond Bay Towers at mga umuupa rito partikular ang prostitution den at POGOS, kahit may closure order.
Ito rin umano ang dahilan kaya ipinatawag ng Senado sa pagdinig ang LGUs upang magbigay linaw sa illegal operation ng naturang hotel.
Nangako rin si Hontiveros na magkakaroon ng mas malalim na imbestigasyon hinggil sa P10 bilyong payoffs na kinasasangkutan ng mga immigration official bilang bahagi ng sinasabing “pastillas” modus sa Bureau of Immigration.
“This is a system allegedly centralized by agency higher-ups where Chinese nationals are allowed seamless entry into the country for a ‘service fee’ of PhP10,000 each,” aniya. Estong Reyes
