HIRIT NI MARCOS SA PET: BOTO SA MINDANAO IPAWALANG BISA

BONGBONG MARCOS-3

(Ni: NELSON S. BADILLA)

DAPAT ipawalang bisa ng Korte Suprema ang mga boto sa tatlong lalawigan sa Mindanao noong 2016, sapagkat dinaya ng kampo ni dating Rep. Ma. Leonora “Leni” Robredo ang halalan sa maraming presinto sa tatlong lalawigan sa nabanggit na isla upang manalong pangalawang pangulo ng bansa.

Ito ang layunin ng inihaing memorandum ni Marcos nitong Lunes na humihiling sa mataas na korte na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET) na magkaroon ng “teknikal na pag-aaral” sa mga lagda ng mga botante ng Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan na pinaniniwalaan ni Marcos na dinaya ng kampo ni Robredo.

Ang kahilingan ni Marcos ay legal at pinahihintulutan ng alituntunin ng protestang elektoral sa ilalim ng prinsipyong “third cause of action.”

Peke ang mga lagda

IDINIIN ni Marcos na peke ang mga lagda ng maraming boto sa 2,756 prinotestang clustered precincts sa Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan.

Batay sa prinsiyo ng third cause of action, maaaring maglunsad ng panibagong “preliminary investigation” ang PET upang pahintulutan nito ang presentasyon ng mga ebidensya sa pandaraya ng kampo ni Robredo.

Iginiit ni Marcos na ang PET ay mayroong solong kapangyarihang paboran ang kanyang ikatlong hakbang sa protestang elektoral, sapagkat hiwalay at malaya ito sa iba pang aksyon.

Ilang buwan na ang nakalilipas, lumabas sa media ang resulta ng imbestigasyon ng Commission on Elections (Comelec) na dinaya ang resulta ng eleksyon sa Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan noong 2016.

Nang tanungin ng media ang Comelec hinggil dito, hindi nagsalita ang Comelec at hindi rin nito itinanggi ang malawak na dayaang naganap sa tatlong lalawigan sa Mindanao.

Panalo si Marcos

MAYROON ding hiwalay na impormasyon ang Comelec at ABS – CBN Research Team na nagsasabing lamang ng 45,000 si Marcos laban kay Robredo kung pagsasama-samahin ang lahat ng boto mula sa Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Inaalam ng Saksi Ngayon kung gaano ito katoto.

Ang anim na lalawigan ang kasama sa ikalawa at ikatlong batayan ng protestang elektoral ni Marcos para sa halalan sa pangalawang pangulo ng bansa noong 2016.

Ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental ay ang mga lalawigang tinukoy at ipinasama ni Marcos sa kanyang Second Cause of Action hinggil sa protestang elektoral hinggil sa lahatang-panig ng pandaraya ng kampo ni Robredo.

Mayroon nang resulta ang SC/PET dito kung saan sinasabing nadagdagan pa ng 15,000 boto si Robredo, dahilan upang tumaas ang lamang niya kay Marcos.

Ang puntong ito ang ginamit at iginiit ng kampo ni Robredo, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Romulo Macalintal, sa PET kaugnay sa kahilingan ni Robredo na tuluyan nang ibasura ang protesta ni Marcos alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng Rule 65 ng gabay sa protestang elektoral.

Ayon sa alituntuning 65, maaaring ibasura ang protesta ng kandidato kapag lumitaw na natalo sa tatlong lalawigang ginamit bilang pilot areas ng protesta.

Bilang ponente ng desisyon ng PET, ito ang pangunahing ginamit ni Associate Justice Alfredo Caguioa bilang batayang legal upang ibasura ang protesta ni Marcos.

Sa opisyal na pahayag naman ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, inihayag nito na: “The recent Memorandum filed by Mrs. Leni Robredo is a clear recognition of the validity of our third cause of action. She now echoes our assertion through her Memorandum, for the Presidential Electoral Tribunal (PET) to now proceed with the conduct of the technical examination and reception of evidence for the provinces of Lanao Del Sur, Basilan and Maguindanao. With her express affirmation a great obstacle has been removed and we look forward to an expeditious resolution of the question, “Who won the Vice Presidential election of 2016?” (May karugtong)

176

Related posts

Leave a Comment