HITMAN SA FISCAL MURDER TIMBOG SA BUY-BUST

HAWAK na ng Cavite Police ang hitman sa pagpatay sa isang assistant city prosecutor sa Cavite matapos na maaresto sa buy-bust operation noong Biyernes ng gabi sa Trece Martires City.

Kinilala ang suspek na si Marvin Tagayon Linaban, 44, ng Brgy. H2, Dasmariñas City, na umano’y inamin ang pagbaril at pagpatay kay Fiscal Edilberto Mendoza, 48, may asawa, assistant city prosecutor sa lalawigan at residente ng Elysian Field Subd., Brgy. Cabuco, Trece Martires City, noong Disyembre 31, 2021 dakong alas-7:38 ng umaga.

Ayon kay P/SSgt. Rene Bibon ng Trece Martires City, may hawak ng kaso, inamin ni Linaban ang pagpatay sa fiscal matapos siyang bayaran ng halagang P25,000 para sa nasabing trabaho.

“Una, binigyan siya ng P5,000 saka binayaran nang buo matapos ang kanyang trabaho,” ayon kay Bibon.

Ang pagkakaaresto kay Linaban ay bunsod ng isinagawang anti-illegal drugs operation ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Dasmariñas CPS dakong alas-10:30 noong Biyernes ng gabi sa Brgy. H2, Dasmariñas City.

Nasugatan sa insidente ang isang Elvin Esguerra, 40, nang magpaputok ng baril si Linaban nang mabatid na mga pulis ang katransaksyon.

Nakumpiska sa nasabing operasyon ang P69,000 halaga ng umano’y shabu at mga baril.

Tumugma sa deskripsiyon ng suspek ang hitman na nakita sa CCTV footages hinggil sa pagpatay sa fiscal sa harapan ng kanyang bahay habang nagsasagawa ng morning exercises.

Tinukoy ni Bibon ang anggulong droga bilang motibo sa pagpatay sa fiscal dahil marami itong hinahawakang mga kaso na may kaugnayan dito.

Hindi pa ibinunyag ang pangalan ng nag-utos sa pagpatay habang nagsasagawa ng mas malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad sa kaso. (SIGFRED ADSUARA)

140

Related posts

Leave a Comment