Holdap tinitingnang motibo BABAENG KAGAWAD PINATAY NG KALUGAR

patay

BATANGAS – Patay ang isang babaeng barangay kagawad makaraang holdapin sa bayan ng Nasugbu sa lalawigang ito.

Kinilala ang Nasugbu Police ang biktimang si Gloria Fayton, residente at kagawad ng Barangay Latag.
Ayon sa report ng Nasugbu Police, noong Martes ng umaga nang madiskubre ng magsasakang si Mariano DeLa Roca ang bangkay ng biktima na nakasubsob sa lupa sa ilang na lugar sa daan patungo sa bahay nito sa remote area ng Sitio Bernanda.

Sa inisyal na imbestigasyon, natuklasan ng mga imbestigador na may sugat sa ulo ang biktima na hinihinalang pinalo ng matigas na bagay na siya nitong ikinamatay.

Ayon kay P/Lt. Col. Jephte Banderado, hepe ng Nasugbu Police, holdap ang nakikita nilang motibo sa krimen matapos malaman na nawawala ang dala nitong P50,000 cash na pinagbentahan nila ng baka noong Lunes.

Bago ang krimen, pinuntahan ng biktima ang anak nitong lalaki na nakikipag-inuman sa isang lugar sa kanilang barangay upang kunin ang perang pinagbentahan ng baka at saka naglakad pauwi.

Ayon sa report, nakita pa ng isang babaeng witness ang biktima noong Lunes ng gabi na naglalakad pauwi at sinusundan ito ng isang lalaki na nakilalang si John Lowel DeLa Vega, alyas Wilo.

Positibo ring sinabi ng witness na ang nakitang sumbrero sa crime scene ay siyang suot ni DeLa Vega nang gabing makita niya ito.

Patuloy ang operasyon ng Nasugbu police para sa ikadarakip ng itinuturing na ngayong suspek sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)

218

Related posts

Leave a Comment