ILOILO City – Patay ang isa sa tatlong hinihinalang holdaper nang manlaban umano sa mga awtoridad sa inilatag na checkpoint, iniulat nitong Lunes ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ang namatay na si Dominic Tresas, 22-anyos, ng Rizal Ilawod, Calinog, Iloilo City, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang kasama nito.
Batay sa report ng Dingle Police Station, dakong alas-5:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Brgy. Tabugon , Dingle, ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap sila ng magkakasunod na report hinggil sa panghoholdap sa tatlong biktima sa magkakalapit na barangay sa nasabing bayan.
Agad naglatag ng checkpoint ang mga pulis para sa hot pursuit operation at pinara nila ang isang motorsiklo na dumaan ngunit hindi huminto at sa halip ay pinaputukan ang mga pulis.
Mabilis namang nakaganti ng putok ang mga operatiba at tinamaan sa ulo si Tresas na agad nitong ikinamatay.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)
