HOLDAPER KUMASA SA PARAK, TIGBAK

PATAY ang isang umano’y holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis habang arestado ang dalawang kasama nito sa Malabon City noong Miyerkoles ng hapon.

Hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Malabon ang suspek na si Jason Danco, 33, habang arestado sina Arnold Banjola, 31, at Robin Salazar, 38-anyos.

Ayon sa report nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon City Police chief, Col. Albert Barot, nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa Tactical Operation Center (TOC) ng Malabon Police ang mga tauhan ng Sub-Station (SS-5), SS-2 at SWAT team hinggil sa insidente ng holdap sa Dr. Lascano St., Brgy. Tugatog.

Tatlo ang mga suspek, dalawa sa mga ito ang may bitbit na patalim habang armado naman ng baril ang isa na kinilalang si Jason Danco, na tumakas sa gilid ng isang creek sa Dr. Lascano.

Mabilis namang nagresponde ang mga pulis dakong alas-2:50 ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek habang napatay si Danco na nakipagpalitan umano ng putok sa mga awtoridad. (FRANCIS SORIANO)

 

156

Related posts

Leave a Comment