BISTADOR ni RUDY SIM
ISA tayo sa mga nakiisa sa taunang pagdiriwang ng “Lakbayaw” sa fiesta ng Tondo sa Lungsod ng Maynila, upang makunan ng litrato ang mga dumalong deboto ng Sto. Niño at sa simpleng pitik ay nakapagbigay tayo ng ngiti sa mga ito.
Maraming deboto ang sumama sa parada ng mga kabataan mula sa iba’t ibang grupo, maging ang mga estudyante at guro ng Catholic schools kagaya ng Holy Child Catholic School, dala ang kanilang mga imahe ng Santo.
Bagama’t naging payapa at walang naiulat na nasaktan sa pagdiriwang na ito ay mayroon lang tayong naging karanasan nang makita natin na ang isa sa mga personalidad na nakiisa ay itong si Senador Risa Hontiveros, bitbit ang kanyang imahe ng Sto. Niño, na nakisayaw at isinisigaw ang Viva Sto. Niño.
Magkahalong suporta ang natanggap dito ng senadora, mayroong mga bumati at nagbigay galang sa kanya at mayroon ding hindi natuwa at hindi napigilang maglabas ng sama ng loob at pinaringgan ang senadora ng isa sa mga babaeng nasa aking likuran, habang kinukunan ko ng litrato si Hontiveros, na ayon sa kanya ay tila hindi narinig o hindi pinansin ang kanyang senior citizen na ina na humiling na makipag-selfie, at sa pangalawang pagkakataon naman na tila narinig ni Hontiveros, ay pinagbigyan ang matanda.
Ngunit pagsapit ng prusisyon sa bahagi ng Wagas Street, ay hindi natin malaman kung sinadya o aksidente lamang na hinagisan ng maraming candy si Hontiveros mula sa mataas na bahagi ng kabahayan at mabuti naman at naging maagap ang kanyang bodyguard na masalag bago ito tumama sa ulo ng senadora.
At sa ating pag-upload ng pitik natin sa pagdalo ni Hontiveros sa Lakbayaw, ay umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens, mayroong nagsabi na maaga itong nangangampanya at ang higit sa naging galit ng mga tao ay ang naging kaso ng isang binatang si Kian Delos Santos sa panahon ng ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Duterte, na alam naman nating naparusahan na ng korte ang mga sangkot dito na mga pulis.
Viral na rin sa aking social media account ang pitik ko sa ating inihalal na senadora, na sa aking personal na opinyon, kung siya man ay nagkamali sa kanyang desisyong pangpulitika ay pinanindigan niya ito tama man o mali.
Hindi natin masisisi ang netizens dahil bakit tila ginawang banal itong si Kian na umano’y sangkot sa ipinagbabawal na gamot lalo’t nakisawsaw din sa issue ang isang alagad ng simbahan mula sa Caloocan. Paano naman ang ating mga alagad ng batas na nagbuwis ng kanilang buhay na napatay ng mga sangkot sa droga? Dapat sana’y maging patas at huwag natin gawing halimbawa ang kasong matagal nang tapos para lang sa ambisyon sa pulitika.
Bilang isang photographer din, kagaya ng karaingan ng maraming mamimitik, ay maraming content creators ang nagnanakaw ng hindi kanila kahit walang paalam o credits sa kumuha ng litrato na sana’y maging aral din bilang respeto.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
57
