HONTIVEROS BUKAS MAGING OPPOSITION FRONTRUNNER SA 2028

BUKAS si Senador Risa Hontiveros na maging frontrunner ng oposisyon pagdating ng 2028 Presidential Elections.

Sinabi ni Hontiveros na handa siya sa anomang posibilidad kaya’t ganito rin ang kanyang panawagan sa iba pa nilang kasamahan.

Pero sa ngayon anya ang pagkakaabalahan niya ay ang buuin o pagsama-samahin ang kanilang grupo lalo na sa susunod na siyam na buwan upang makabalangkas ng strongest slate nila para sa 2028.

Ipinaliwanag ng senador na sa ngayon ang tiyak niya ay magkakaroon ng alternatibong kandidato sa 2028 bukod sa grupo ng mga Duterte at kung sinoman ang pipiliin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Patuloy anya ang pagpapalakas nila ng kanilang grupo at naniniwala siyang araw-araw ay makikita ng taumbayan ang mga adbokasiya na kanilang iniaalok.

Samantala, handa rin si Hontiveros na pangunahan ang third bloc sa Senado bukod sa Majority at Minority bloc.

Sinabi ni Hontiveros na kung hindi man nila makuha ang minority leadership sa Senado ay handa silang maging independent bloc.

Ito ay kung sakali mang itulak ng ‘Duterte bloc’ sa Senado na sila ang maging minority.

Kabilang sa inaasahan ng senadora na makakasama niya sa grupo sa Senado ay ang mga inendorso niyang sina Senator-elect Bam Aquino at Senator-Elect Kiko Pangilinan.

Iginiit ni Hontiveros na kung anoman ang maging pinal na organisasyon ng 20th congress senate, ang mahalaga aniya sa kanilang grupo ay may mananatiling magtitiyak ng check and balance at magiging fiscalizer sa Mataas na Kapulungan, ito man ay minority o independent bloc.

(DANG SAMSON-GARCIA)

44

Related posts

Leave a Comment