HONTIVEROS, NAGPIYANSA SA KASONG WIRETAPPING

NAGHAIN na ng piyansa si Senador Risa Hontiveros sa kanyang kasong wiretapping na inihain ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Inilabas ni Presiding Judge Rechie Ramos-Malabanan of Pasay City Metropolitan Trial Court Branch 46 ang bail order makaraang magbayad ang senadora ng P36,000 upang maisantabi ang warrant of arrest laban sa kanya.

Itinakda naman ang arraignment at pre-trial conference ng kaso sa January 21, 2022.

Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y paglabag ng mambabatas sa Republic Act No. 4200 o Anti-Wire Tapping Act batay sa akusasyon ni Aguirre dahil sa paglalabas ni Hontiveros ng text exchanges ng dating kalihim at dating Negros Oriental Representative Jacinto Paras sa Senate inquiry noong 2017.

“Walang kwenta at walang basehan ang kasong isinampa sa akin ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre. Desidido akong labanan ang panghaharass na ito,” saad ni Hontiveros.

“Kakampi natin ang batas at ang katotohanan. Protektado ng mismong Konstitusyon ang lahat ng aspeto ng aking privilege speech sa Senado, kaya panatag akong wala akong kahit anong paglabag sa Anti-Wiretapping Law,” dagdag nito.

Katunayan, iginiit ni Hontiveros na si Aguirre ang lumabag sa batas nang mahuli ito sa aktong pagpaplano laban sa kanya.

“Nabuko natin ang kanilang planong conspiracy laban sa akin, na isang senador, habang nasa loob mismo ng Senado, at habang may pagdinig. Isang malaking pambabastos ito sa ating institusyon,” diin ni Hontiveros.

Kinuwestyon din ng senador ang timing ng development ng kaso na naisampa apat na taon na ang nakalilipas. (DANG SAMSON-GARCIA)

188

Related posts

Leave a Comment