HOTLINE 911 LIBRE NA; PRANK CALLER BINALAAN

911

(NI TJ DELOS REYES)

INIANUNSYO ng pamunuan ng  Department of the Interior and Local Government (DILG) na libre na ang lahat ng tawag sa Emergency 911 Hotline ng pamahalaan para sa mga subscriber ng PLDT, Smart, Talk ‘N Text at Sun.

Kasabay ng pag-aanunsyo ay nagbabala naman si Interior and Local Government  Secretary Eduardo M. Año na parurusahan sa ilalim ng batas ang mga ‘Prank Callers o yung ‘fraudulent caller.’

“Libre na po ang pagtawag sa Hotline 911 sa PLDT at tatlong mobile networks nito pero hindi ibig sabihin ay gagamitin natin ito para sa panloloko. Ang panloloko ay maaaring maparusahan sa ilalim ng batas,” ayon pa Año.

“Huwag po kayong magdalawang-isip na i-dial ang 911 sa panahon ng emergency. Hindi natin hahayaan ang kawalan ng load ay maging hadlang sa pagliligtas ng buhay sapagkat bawat segundo ay mahalaga sa panahon ng emergency,” saad pa ng kalihim.

Sa datos, mula sa DILG Emergency 911 National Office, pangkaraniwan na nakatatanggap ng halos 3,500 na emergency calls ang hotline sa loob ng isang buwan at humigit-kumulang sa 100 legitimate na tawag sa loob ng isang araw.

Ikinatuwa ni Año ang  pagtupad ng isang malaking telecommunication company tulad ng PLDT, kasama ang iba nitong mobile network companies na Smart, Talk ‘N Text and Sun Mobile Network, sa isinasaad ng Executive Order (EO) No. 56 s. 2018 na siyang nagtatakda sa Emergency Hotline 911 bilang emergency answering point sa buong bansa.

Ayon sa Section 3 ng EO 56, “Ang Emergency 911 Commission ang siyang titiyak na lahat ng tawag sa Emergency 911 Hotline ay libre at walang kaukulang bayad o iba pang singilin.”

Samantala idinin naman ni Año na ang pagpa-prank call ay maaaring parusahan sa ilalim ng PD 1727  at ang mga mapatutunayang lumabag dito ay maaaring makulong ng hindi hihigit sa limang taon o mapagmulta ng higit sa P40,000, depende sa desisyon ng korte.

 

154

Related posts

Leave a Comment