House probe ikinasa 9 NARCO GENERALS MALAYA PA RIN

NAGKASA na ng imbestigasyon ang House committee on dangerous drugs laban sa siyam na heneral ng Philippine National Police (PNP) na sangkot umano sa ilegal na droga.

Ayon sa chairman ng nasabing komite na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, partikular na aalamin ng komite kung bakit nakalalaya pa rin ang mga ito.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng pagkadismaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes hinggil sa siyam na police generals aniya na sangkot sa ilegal na droga.

“I think it’s plausible to have this issue investigated by Congress since, from what I’ve heard, none of them had been investigated nor were charged in court,” ayon sa mambabatas.

Hindi nagbanggit si Duterte ng pangalan sa kanyang SONA noong Lunes, subalit noong Hulyo 2016, 5 PNP generals ang isinangkot nito sa ilegal na droga na kinabibilangan nina Bernardo Dia, Joel Pagdilao, Edgardo Tinio na noo’y mga aktibo sa serbisyo at sina retired Gen. Vicente Loot at Marcelo Garbo.

Pawang itinanggi ng mga nabanggit na dating opisyales ng PNP ang alegasyon ng pangulo.

Walang impormasyon kung sino ang apat pang PNP generals na nakalalaya pa at suspetsa ni Duterte ay dahil ito sa dating posisyon ng mga ito sa pambansang pulisya.

Dahil dito, nais umanong alamin sa imbestigasyon ng komite kung anong naging aksyon ng PNP sa kanilang mga dating opisyal mula nang pangalanan ang mga ito ni Duterte noong 2016.

Samantala, muling umapela ang mambabatas sa Senado na isama ang panukalang mag-aamyenda sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 1992 upang mas mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga.

“The bill aims to provide legal tool to equip law enforcers to go after big time drugs lords, including coddlers, protectors and financiers in illegal drug transactions,” ani Barbers ukol sa nasabing panukala na pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara subalit hindi makausad dahil hindi ipinapasa ng Senado ang hiwalay nilang bersyon. (BERNARD TAGUINOD)

92

Related posts

Leave a Comment