GENERAL SANTOS CITY – Natimbog ng mga awtoridad at nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ang isang menor de edad na suspek sa panggagahasa at pagpatay sa sarili nitong amo noong Biyernes ng gabi, Setyembre 11.
Kinilala ni Police Major Ruelito Lumiguid, hepe ng Police Station 3, ang suspek na si alyas Junior, residente ng Polomolok, South Cotabato na umano’y ginahasa at pinatay ang amo nitong si Darlyn Dagsan Tupas, 45-anyos at naninirahan sa Denoga Subd., Barangay Lagao nitong lungsod.
Ayon sa hepe, batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente sa mismong pamamahay ng biktima, alas-8:00 ng gabi noong Biyernes kung saan ang biktima ay ginahasa at pinagtataga at pinalo ng martilyo sa ulo.
Ang biktima ay nakahandusay at naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ng kanyang kinakasama sa kuwarto.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang krimen ngunit naaresto matapos isuko ng mga kaanak sa isinagawang hot pursuit operations ng pulisya sa Polonuling, Polomolok, noong Sabado.
Napag-alaman na ang suspek ay tauhan ng biktima at nagtatrabaho bilang houseboy.
Unang naiulat na ang suspek ay nasa hustong edad na subalit ayon sa pamilya ay menor de edad pa raw ito.
Dahil dito, hinihintay ngayon ng pulisya ang dokumentong magpapatunay na menor de edad ang suspek at kapag napatunayang hindi, ay agad na isasampa ng pulisya ang kasong rape at homicide laban sa kanya. (BONG PAULO)
