HOUSING UNITS NA PINAUUPAHAN BABAWIIN NG NHA!

PUNA Ni JOEL AMONGO

NAGBABALA ang bagong upong General Manager na si Joeben Tai na bawal ang ginagawang pagpapaupa sa kanilang housing unit ng mga awardee ng National Housing Authority (NHA).

Ang pahayag ni GM Tai ay ginawa sa ika-47 anibersaryo ng NHA.

Ayon pa sa opisyal, ang sino mang matutunayan na awardee ng NHA na nagpapaupa ng kanilang bahay o unit ay maaaring bawiin ito sa kanila ng gobyerno.

Ipinagbabawal din ang pagpapasa ng awardee ng kanyang unit sa iba at ipapasa nito ang responsibilidad sa buwanang bayad.

Ang mga gawain na ganito ay ipinagbabawal sa kalakaran ng NHA.

Iniiwasan ng NHA na pagkatapos na maging awardee ng unit o pabahay ang sino mang tao, ay pagkakakitaan nila ito.

“Pagkatapos sila mabigyan ng pabahay ng NHA ay pagkakakitaan pa nila, bawal ‘yan sa aming opisina,” babala pa ni Tai.

Tama po si GM Tai, napakamura na nga ang buwanang bayad ng pabahay ng NHA tapos pauupahan sa iba para pagkakitaan ng awardee nito, hindi po patas ‘yan sa ibang gustong magkabahay.

Napakaraming hindi mabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng pabahay ng NHA tapos ‘yung mga ­nabigyan naman ay pauupahan nila o kaya ipapasa o ibebenta nila nang walang pahintulot ng NHA.

Maraming ganyan, GM Tai, lalo riyan sa Bagong Silang at Camarin, sa North Caloocan, naka-post pa sa kani-kanilang media accounts.

Ang mga nagbebenta ng kanilang unit ay may ahente pa.

Napakababa naman pala ng buwanang bayad ng NHA housing na nasa P300 hanggang P500 lang kada buwan sa loob ng 25-30 taon.

Kung pauupahan nga naman ng awardee ang kanyang unit ng P1K hanggang P2K kada buwan ay mas kumita pa sila kaysa NHA na nagbigay sa kanila ng unit.

Tama lang na bawiin sa kanila ang unit at ipasa ng NHA sa nararapat na magkaroon nito.

Kasabay ng pahayag ni Tai na ‘yan, ay titiyakin niya na mas maayos at dekalidad na mga housing project ang kanilang gagawin ngayon sa ilalim ng termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Mayroong mga eskuwelahan, transportasyon at iba pa na pangangailangan ng mga titira sa nasabing pabahay ng gobyerno.

Target ng administrasyon ni PBBM na makagawa sila ng 6,000 housing project sa buong bansa.

Nagpapasalamat tayo na nakilala natin ang ating kababayang si Atty. Parina Jabinal, Acting Group Manager, Financial Services Group, sa pagdalo natin sa ika-47 ­anibersaryo ng NHA.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

243

Related posts

Leave a Comment