HULIDAP NG BI INTELLIGENCE SA POGO TALAMAK?

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA nagiging inutil ang hepe ng Bureau of Immigration, Intelligence Division na disiplinahin ang kanyang mga tauhan matapos na ireklamo kamakailan ang pagnanakaw ng mga tauhan nitong agents sa isang raid sa illegal POGO, na nagnakaw ng pera at gadgets ngunit patuloy pa rin umano ang ganitong raket ng ilang agents.

Isang Linggo na ang nakararaan, nitong June 9 nang magkaroon umano ng operation ang BI Intelligence Unit sa Newport, Pasay City kasama ang team ng ilang talamak at kawatan na grupo ng ilang Muslim na pinangunahan ng isang alias “Bato” at dating pulis na umalis sa PNP, na ngayon ay talamak umanong kumikita sa ilegal na gawain sa panghuhuli ng mga dayuhan.

Humigit 50 katao na pawang mga dayuhan umano ang nalambat sa naturang operasyon sa bisa ng isang mission order ngunit ayon sa impormasyon na natanggap natin mula sa isang pribadong indibidwal, ay wala kahit isa ang tinuluyan na dinala sa BI headquarters… Anyare? Doon pa lang ay nagka-aregluhan na? Aba’y ano ang ginagawa ng manhid at laging safety kung magmalinis na hepe ng Intelligence Division? Kasama ka ba, sir, sa mga nakinabang dito at hindi mo binusisi kung anong nangyari, bakit walang kahit isang dayuhan ang dinala sa iyong tanggapan?

Sino ang nasa likod ng aregluhang ito na siyang nagiging cancer na sa BI, na ipit na ipit na sa isyu ng kaliwa’t kanang katiwalian sa ahensya? Mayroon bang mataas na opisyal ng BI ang pumayag sa aregluhang ito na wala nang legal na papel, para pakawalan ang mga nahuling dayuhan na lumabag sa ating immigration law?

DOJ Secretary Boying Remulla, sir, Bakit hindi mo ito paimbestigahan upang hindi naman isipin ng mga nagrereklamong concerned BI employees na kinukunsinti mo ang iyong bata na si Commissioner Joel Anthony Viado sa kabila ng mga alegasyon ng korupsyon sa ahensya.

Kaugnay ng ating mainit na pambibisto sa mga tiwaling tauhan ng BI, ay nalambat natin na ilang mga tauhan ni BI Intelligence chief Fortunato Jun Manahan ang tila nag-surveillance sa aking social media account, isa na nga rito ang napag-alaman nating driver nito na si “John” at agad nating ipinagbigay-alam ito kay Manahan na sinabing engot ang kanyang tauhan… Sir, huwag mo naman ako gawing tanga! Kikilos ba ang tauhan mo kung wala kang utos na manmanan ako? Mag-aral muna kayo kung paano mag-surveillance.

Sana’y makarating ang isyung ito kay Pangulong BBM dahil tila sinasamantala ng ilang corrupt public officials ang kanyang giyera laban sa POGO na nagpapayaman gamit ang kanilang kapangyarihan.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

1

Related posts

Leave a Comment