SA kabila ng nakaambang kastigong banta ng International Criminal Court (ICC), nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte sa madugong pakikidigma ng kanyang administrasyon laban sa kalakalan ng mga ipinagbabawal na gamot. Aniya, nais niyang magpatumba ng tatlo hanggang limang drug lord bago siya tuluyang bumaba sa pwesto.
Wala rin aniya siyang pinagsisihan sa kanyang polisiya kontra illegal na droga.
Ang totoo, dapat lang naman talagang iwaksi ang droga sa lipunan. Subalit hindi dapat limitado sa mga pipitsuging kriminal ang kampanya ng pamahalaan. Kung nais ng Pangulo na tuldukan ang kalakalan ng droga, higit na angkop ang isang mekanismong tutukoy at pupuksa sa mga pinagmumulan.
Nitong nakalipas na mga buwan, mas malaking isda na ang nabingwit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), pero wala ni isa sa naturang mga operasyon ang nakasilat sa mismong ugat ng sindikato.
“Siguro bago ako mag-alis makatapos lang tayo ng mga tatlo o limang drug lords. Gusto ko patayin. Ayoko ng buhay!” Yan ang eksaktong winika ng Pangulo sa kanyang pre-recorded na mensahe sa publiko.
Base sa pagtatala ng gobyerno, mahigit 6,000 katao – kabilang ang mga bata at matanda ang napaslang sa madugong giyera ng administrasyon kontra droga. Ayon naman sa human rights groups, 30,000 ang pumanaw sa mga isinagawang anti-illegal drug operations sa iba’t ibang panig ng bansa.
Matapos ang anim na taon, tagumpay ba ang giyera kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte?
Ang sagot – HINDI. Dangan naman kasi, may mga kunsintidor – kung hindi man nakikinabang o bahagi ng ilegal na kalakaran – sa kanyang sariling bakuran
Wari ko, paandar na lang ‘yan ng Pangulo. Dangan naman kasi, nasa paligid lang niya ang isa sa pinakamatibay na puno ng sindikato. Pwede rin namang hindi niya alam na ang bayaw ng isa sa kanyang pinakamasugid na kaalyado ay pasok sa pinakamalaking sindikato ng droga.
Clue: Bayaw ng isang prominenteng mambabatas ang tinutukoy ko.
Sana lang, sa napipintong pag-upo ng bagong Pangulo, tunay na giyera kontra ilegal na droga ang ilunsad. ‘Yun bang walang pinipiling estado sa pamumuhay, walang kinikilalang taong gobyerno at yaong pupuntirya sa mga ugat ng sindikato.
176 