SA botong 19-2, nilusaw ng Senado ang malabnaw na Human Security Act saka ipinalit ang bagong Anti-Terrorism Law na magbibigay ng karagdagang pangil sa pamahalaan upang labanan ng terorismo.
Inaprubahan ng Senado nitong Miyerkoles ang Senate Bill No. 1083 na magbibigay ng karagdagang ngipin sa batas laban sa terorismo kaya’t nalusaw ang Human Security Act of 2007.
Kabilang sa bumotong pabor sa panukala sina Senador Sonny Angara, Nancy Binay, Pia Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Grace Poe, Imee Marcos, Manuel “Lito” Lapid, Joel Villanueva, Cynthia Villar, Emmanuel “Manny” Pacquiao, Win Gatchalian, Christopher Lawrence “Bong” Go, Richard Gordon, Panfilo “Ping” Lacson, Bong Revilla, Francis “Tol” Tolentino, Minority Leader Franklin Drilon, Majority Leader Migz Zubiri at Senate President Vicente C. Sotto III.
Tumutol naman sa panukala sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Risa Hontiveros.
Ayon sa panukala, binibigyan ng Anti-Terrorism Act of 2020 ng mas matibay na legal backbone ang pamahalaan upang suportahan ang criminal justice system bilang tugon sa terorismo, bigyan ang law enforcer ng kinakailangang kagamitan upang protektahan ang mamamayan laban sa banta ng terorismo; at kasabay nito, pangalagaan ang karapatan ng akusado sa krimen.
“We need a strong legal structure that deals with terrorism to exact accountability, liability and responsibility. Those who have committed, are about to commit, or are supporting those who commit terroristic acts should be prosecuted and penalized accordingly,” ayon kay Lacson, isponsor ng panukala.
Kabilang sa sakop ng batas ang dayuhang terorista upang pagtakpan ang Filipino nationals na magsagawa ng terorismo sa ibang bansa.
Tinanggal ng panukala ang probisyon na magbabayad ng P500,000 damages kada araw ng pagkakakulong sa sinuman na napawalang-bisa sa kasong terorismo. Pero, pinayagan ng batas na maikulong ng 14 calendar days at maaari pang lumawig ng sampung araw kahit walang warrant of arrest ang sinomang pinaghihinalaan.
Inatasan naman ng isang probisyon ang partikular na Regional Trial Court (RTCs) bilang Anti-Terror Courts, upang matiyak na mabilis ang disposisyon ng kaso.
KABADO SA KONGRESO
Kabado naman ang mga militanteng mambabatas sa anti-terrorism bill na ipinasa ng Senado dahil kahit ang mga lehitimong grupo ay puwede umanong akusahan na terorista kapag pinuna ang mga maling polisiya ng gobyerno.
“Talagang nakakakaba ito,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite at posibleng gamitin umano ang nasabing batas kung sakali, para buwagin ang mga organisasyon kasama na ang kanilang grupo.
Sinabi ni Gaite kung ang Human Security Act (HSA) ay ginamit para i-harass umano ang mga lehitimong organisasyon, mas malala ang magiging sitwasyon kapag nging batas ang anti-terror bill. ESTONG REYES, BERNARD TAGUINOD
187 