INILABAS kahapon ng Malakanyang ang Proclamation No. 906 na nagdedeklara ng State of Calamity sa CALABARZON o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon Province dahil sa muling pagpapakita ng aktibidad ng Bulkang Taal.
Tinintahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang proklamasyon alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pamamagitan ng deklarasyon, magagamit na ng national government at concerned local government units (LGUs) ang calamity funds sa rescue and relief operations, recovery and rehabilitation sa mga nasalanta ng kalamidad.
Bukod dito ay iiral din ang price control sa mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar.
Epektibo sa loob ng isang taon ang deklarasyon maliban na lamang kung bawiin nang mas maaga.
Nauna rito, muling nagbuga ng usok ang Bulkang Taal, Miyerkoles ng gabi, na umabot ng hanggang 300 metro ang taas.
Sinabi naman ng Phivolcs na ang naturang “steam,” na kanilang ini-classify bilang “moderate,” ay napansin ng 10 p.m.
Wala namang nailabas na ash o lava ang bulkan. Wala ring volcanic quakes.
Sa likod nito, nananatili sa Alert Level 2 ang bulkan.
Samantalang sa Agoncillo sa Batangas, mahigpit na binabantayan ng lokal na pamahalaan ang pagbuga ng usok.
Ayon kay Mayor Daniel Reyes, nakaalerto na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Agoncillo habang naghihintay ng update mula sa Phivolcs.
Bagama’t may report na may ilan-ilang residente na ng Barangay Bilibinwang ang lumikas, wala pa naman umanong report sa kanya ang punong barangay tungkol dito. CHRISTIAN DALE, KIKO CUETO
203 