HUNGER, POVERTY RATE SA PINAS BUMABA SA TULONG NG WALANG GUTOM PROGRAM — MALACAÑANG

SINABI ng Malacañang na bumaba ang hunger incidence at poverty self-rating sa hanay ng mga Pilipino bunsod ng social protection programs ng administrasyong Marcos, partikular ang Walang Gutom Program na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, welcome sa pamahalaan ang pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey na nagpapakita ng pagbaba ng involuntary hunger sa buong bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng pinaka-vulnerable sectors.

“Ang hunger incidence sa bansa ay bumaba sa tulong ng Walang Gutom Program ng Pangulo at ng DSWD,” ani Castro sa press briefing sa Malacañang.

Batay sa Fourth Quarter 2025 SWS survey, na isinagawa mula Nobyembre 24 hanggang 30 sa 1,200 adult respondents, 20.1% ang nagsabing nakaranas sila ng involuntary hunger—1.9 puntos na mas mababa kumpara sa 22% na naitala noong Setyembre 2025.

Ayon kay Castro, malinaw na sumasalamin ito sa lumalakas na epekto ng mga programang ipinatutupad ng gobyerno laban sa food insecurity.

“Ibig sabihin lang nito ay ramdam na ang mabuting epekto ng social protection programs ng pamahalaan,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Castro na inatasan ni Pangulong Marcos ang DSWD na lalo pang palakasin ang Walang Gutom Program, na planong palawigin sa 300,000 beneficiaries pagsapit ng 2026 bilang bahagi ng pangako ng administrasyon na tuluyang sugpuin ang kagutuman.

Bukod sa hunger incidence, bumaba rin umano ang poverty at food poverty self-ratings, batay naman sa pinakabagong survey ng OCTA Research.

Ayon sa OCTA, ang porsyento ng mga Pilipinong naglalarawan sa kanilang sarili bilang mahirap ay bumaba sa 37%, mula sa 54% noong Setyembre ng nakaraang taon—ang pinakamalaking pagbaba sa self-rated poverty sa loob ng tatlong buwan.

Bumaba rin ang food poverty self-rating sa 30%, mula sa dating 40 hanggang 49%.

Tiniyak ni Castro na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapatupad at pagpapalawak ng mga programang naglalayong bawasan ang kagutuman at kahirapan.

“Ang resulta ng survey ay lalo pang nagpapatibay sa pangangailangang ipagpatuloy at palawakin ang tulong sa mga higit na nangangailangan,” ani Castro.

(CHRISTIAN DALE)

3

Related posts

Leave a Comment