HUSTISYA SA LEYTE IGIGIIT NG SUPPORTERS NI CUATON RALLY SA COMELEC IKAKASA

MAGLULUNSAD ng kilos-protesta ang mga residente ng Southern Leyte, kabilang ang mga tagasuporta ni dating Saint Bernard Mayor Napoleon Lim Cuaton sa harapan ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa nasabing lalawigan.

Ang protesta ay isasagawa anomang araw ngayong linggo, banggit ni Cuaton sa Roundtable Discussion sa mga Editor at Investigative Reporters ng Saksi Ngayon.

Inihayag ni Cuaton na nakarating sa kanyang kaalaman na magpoprotesta ang maraming residente ng iba’t ibang barangay ng Southern Leyte laban sa Comelec dahil naniniwala sila na “maling-mali” ang proklamasyon nito kay Roger “Oging” Mercado bilang nag-iisang kinatawan ng dalawang distrito ng nasabing lalawigan sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Aktibong lalahok ang libu-libong tagasuporta ni Cuaton sa kilos-protesta.

Sa tingin ni Cuaton, humihingi ng “katarungan” ang mga residente sa ginawa ng Comelec na tahasan at sadyang pagbalewala sa “totoong posisyon at boses” ng mga residente ng Southern Leyte na magkaroon sila ng “mas malaki at malakas” na tinig at puwersa sa Kamara de Representantes.
Batay sa rekord ng Comelec, si Mercado ay kandidato para sa distrito uno ng Southern Leyte, samantalang si Cuaton ay kandidato para sa distrito dos noong eleksyong Nobyembre 30, 2019.

Batay sa mga dokumento ng Comelec, sa reklamong nakarating sa Korte Suprema at reklamong paglabag ng mga opisyal ng Comelec sa talata “e, Seksiyon 3” ng Republic Act. No. 3019 o Anti-Graft and Corruption Practices Act na isinampa sa Office of the Ombudsman, kinilala, binasbasan at iprinoklama ng Comelec noong Disyembre 2019 na nagwagi si Mercado sa eleksyong Nobyembre 30, samantalang batay sa resolusyon ng Comelec noong Oktubre ay hindi itinuloy ang halalan sa nasabing petsa bilang pagbibigay-galang sa protestang inihain ng isang residente ng Southern Leyte sa Korte Suprema na nagkuwestyon sa resolusyon ng Comelec noong Marso na nagpapatigil ng halalan para sa dalawang congressional district ng Southern Leyte noong halalang Mayo 13, 2019.
Ang halalan para sa dalawang distrito ng Southern Leyte noon sanang Mayo 13 ay malinaw na tinukoy sa Republic Act No. 11198 makaraang maging ganap na batas noong Pebrero 1, 2019 ang paghahati sa dalawang distrito ng Southern Leyte.

Batay sa petisyong nakarating sa Korte Suprema at reklamong katiwalian at korapsyon laban sa mga pangunahing opisyal ng Comelec, tumutol na nitong nakalipas na taon ang mga residente ng Southern Leyte sa desisyong si Mercado lang ang kinatawan sa Kamara ng dalawang distrito ng nasabing lalawigan.

Kaya, ang ikakasang kilos-protesta anomang araw ngayong linggo laban sa Comelec ay bahagi pa rin ng damdamin at boses ng mga residente ng lalawigan laban sa pinaniniwalaan nilang paglabag sa kanilang “batayang karapatang-pantao” na makapaghalal ng mga kongresista sa dalawang distrito ng Southern Leyte na siya namang itinakda at ipinag-utos ng R.A 11198.

Ginamit umanong rason ng Comelec sa kanilang pagpapanumpa kay Mercado ang desisyon Korte Suprema sa South Cotabato na kahalintulad ang mga usapin sa Southern Leyte.

Kinuwestiyon ni Cuaton ang nasabing lohika ng Comelec dahil napakalaki ang kaibahan ng problema sa halalan ng South Cotabato at sa Southern Leyte.

Dahil dito, naniniwala si Cuaton na mayroong nilabag na batas ang mga opisyal ng Comelec nang hiranging panalo sa eleksyon at panumpain si Mercado.

Ani Cuaton, bagamat totoong posibleng matanggal ang mga opisyal ng Comelec sa pamamagitan ng impeachment, naniniwala pa rin siyang mabibigyan ng hustisya ang kanilang ipinaglalaban sa kasong inakyat niya sa Korte Suprema at Office of the Ombudsman.

 

237

Related posts

Leave a Comment