CLICKBAIT ni JO BARLIZO
IPINOPROTESTA ng mga manininda ng Wowee Market sa Pasay City ang anila’y hindi makatarungang pagpapasara sa kanila ng lokal na pamahalaan.
Nitong Lunes, sinugod nila ang Pasay City Hall upang hilingin ang muling pagbubukas ng nasabing palengke. Para sa mga vendor, ang pagpapanumbalik ng kanilang kabuhayan, at pagkilala sa kanilang karapatang mabuhay ang kanilang mga pamilya ang nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob.
Batay sa pahayag ng grupong Socialista, ang sinapit ng mga vendor, driver, at manggagawa ng Wowee Market ay bunga umano ng panggigipit na may ugat sa pulitikal na tunggalian at konsentrasyon ng kapangyarihan sa iisang pamilya—ang Calixto dynasty. Ayon sa grupo, ang ganitong uri ng pamumuno ay nagbubunga ng hindi pantay na serbisyo at kawalan ng hustisya sa kabuhayan, lalo na para sa mga maralitang umaasa sa arawang kita.
Noong Disyembre 19, 2025, ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Pasay, sa ilalim ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang biglaang pagsasara ng Wowee Market dahil umano sa kakulangan ng permit. Ang pagpapatupad nito sa gitna ng Kapaskuhan na walang malinaw na abiso at sapat na konsultasyon ay nagdulot ng agarang pagkawala ng hanapbuhay ng tinatayang 500 manggagawa.
Higit pa rito, naapektuhan din ang mga Pasayeñong umaasa sa murang bilihin mula sa naturang palengke.
Hindi maikakaila na ang mga pamilihang bayan ay bahagi ng pampublikong serbisyo. Bukod sa pinagkukunan ng kabuhayan, nagsisilbi rin itong daluyan ng buwis na ginagamit para sa mga proyekto ng lungsod. Kapag ang ganitong institusyon ay nagiging kasangkapan ng pulitikal na interes, ang tunay na talo ay ang mamamayan lalo na ang mahihirap na walang ibang masasandalan.
Mas pinatitingkad ng isyu ang alegasyong ang Wowee Market ay pag-aari ng pamilya ni Wowee Manguerra, dating katunggali sa pulitika ni Mayor Emi at posibleng muling makalaban sa susunod na halalan. Kung totoo man ang ganitong motibo, malinaw na nadadamay ang mga inosenteng vendor at manggagawa na walang kinalaman sa tunggalian ng mga nasa kapangyarihan.
Ito ang panganib kapag ang pulitika ay kontrolado ng dinastiya. Nawawala ang malinaw na hangganan sa pagitan ng pamamahala at pamumulitika. Ang batas at regulasyon, sa halip na magsilbi sa kapakanan ng nakararami, ay nagagamit umano upang patahimikin o parusahan ang mga itinuturing na hadlang sa pulitikal na interes.
Tama ang punto ng grupo: ang political dynasty ay nagiging ugat ng hindi pantay na serbisyo, pang-aabuso sa kapangyarihan, at korupsyon. Sa ganitong sistema, ang karapatan sa kabuhayan ay madaling isantabi, at ang kapakanan ng maralita ay nagiging kolateral na pinsala ng pulitikal na ambisyon.
Hindi lang ito usapin ng isang palengke na ipinasara. Isa itong malinaw na salamin ng mas malalim na problema sa lokal na pamahalaan. Ang patuloy na pamamayani ng mga political dynasty at ang epekto nito sa kabuhayan, serbisyo, at karapatan ng karaniwang mamamayan.
3
