CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PINUTAKTE ng batikos nitong nagdaang linggo si Palace Press Officer Claire Castro dahil sa isa sa kanyang mga naging komento patungkol sa papel ng mga guro sa paghubog sa kaisipan ng mga mag-aaral.
Ito ay kasunod ng malungkot na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School. Naging mitsa nito ang pahayag ni Castro, kilala sa social media bilang si Ante Kler, kung saan binigyang-diin niya ang malaking papel ng paaralan at pagpapaalala na may ilang gurong nagpapakita o nagtuturo ng maling asal sa mga mag-aaral. Sa halip na magkaroon ng malalim na pagninilay, mabilis na pumalag ang ACT Teachers Party-list at tinawag na “iresponsable” at “pag-iwas sa sisi” ang naturang pahayag. Sinakyan pa ng kanilang kinatawan sa Kongreso.
Subalit kung susuriing mabuti ang pahayag ng opisyal, maliwanag namang hindi niya nilalahat ang mga guro. Ang paalala ay patungkol sa mga piling pagkakataon at sa mga indibidwal na lumalabag sa pamantayan ng pagiging pangalawang magulang.
Napakadaling magtanim ng sama ng loob o maging “balat-sibuyas” kapag napupuna ang sariling hanay. Ngunit sa punto ng paghubog sa kabataan, mahalagang tanggapin ng kaguruan na sila man ay hindi perpekto.
At sino ba ang perpekto? Walang grupo, asosasyon, lalo na ahensya ng gobyerno saan man sa mundo, na perpekto.
Linawin natin ang Konteksto: Binigyang-diin ni Usec. Castro na ang kanyang pahayag ay isang paalala at hindi pag-atake. Ang pag-ako sa tungkulin bilang pangalawang magulang ay nangangahulugan din ng pagtanggap na may mga pagkukulang na kailangang ituwid.
Sa halip na agad na maglabas ng matitinding salita laban sa pamahalaan, mas magiging kapaki-pakinabang para sa mga samahan ng guro na linisin at punahin din ang sariling hanay na kumokunsinti sa mga maling gawi ng ilang kasamahan.
Nakalulungkot na marami ang sumakay sa mga patutsada sa social media nang hindi man lang nagsusuri. Sabagay, ganyan na ang kalakaran ngayon.
Kaya hindi na ako nagulat nang kumuda rin si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na ang pagsasabing may ilang gurong nagkakamali ay hindi paghusga sa lahat ng guro—gaya ng pagkilala na may masasamang pulis ay hindi pag-insulto sa lahat ng pulis. Mismo!
Kaya nakagugulat na may mga guro ang super patola.
Ang pagpapanatili ng mataas na moralidad at tamang asal sa mga paaralan ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng bawat guro na nakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral araw-araw.
Kaya ang kritisismo ay hindi laging nangangahulugan ng paninisi o kawalan ng respeto. Tulad ng paalala ni Usec. Castro—ang pagkilala sa kahalagahan ng mga guro ay kaakibat ng pag-asang sila rin ang magiging unang tagapagtanggol ng tamang asal at disiplina sa loob ng pamayanan.
At sa mga tumalak na guro, isipin n’yo rin dahil baka para sa inyo talaga ang mensahe ni Ante Kler!
75 