TARGET ni KA REX CAYANONG
WALANG mas mahalaga kaysa kaligtasan ng mamamayan, lalo na sa panahong patuloy ang banta ng malakas na pag-ulan at pagbaha.
Dahil dito, makatwiran ang pagpapaliban sa Education Caravan ng UP Open University–Tarlac Center for Learning and Skills Success na nakatakda sana nitong Miyerkoles, Agosto 19.
Sa ganitong sitwasyon, hindi dapat isantabi ang panganib para lamang maituloy ang isang aktibidad.
Ang edukasyon ay mahalaga, ngunit ang kaligtasan ng mga kalahok, kawani at mamamayan ay dapat laging unang konsiderasyon. Kapuri-puri rin ang agarang pagtugon ng City Government of Tarlac sa mga pamilyang kinailangang lumikas dahil sa patuloy na pag-ulan.
Ayon kay Mayor Susan Yap, umabot sa 140 pamilya mula sa Zone 1, Zone 2 at Zone 3 ng Barangay San Isidro ang nabigyan ng assistance.
Ipinakikita nito na sa panahon ng sakuna, mahalaga ang mabilis na pagkilos ng pamahalaang lokal.
Hindi sapat na maghintay lamang na lumala ang sitwasyon bago kumilos. Ang pre-emptive evacuation ay isang mahalagang hakbang upang maiwasan ang pagkawala ng buhay at mabawasan ang panganib sa mga residente.
Mahalaga rin ang paglalagay ng floodlights sa bahagi ng dike sa Barangay San Isidro.
Sa pamamagitan nito, mas nagiging maayos ang pagmamanman sa kondisyon ng dike, lalo na kapag gabi at limitado ang visibility. Makatutulong din ang mas maayos na pag-iilaw sa mabilis na pagsasagawa ng sandbagging sa mga bahaging kinakailangang patibayin.
Sa harap ng banta ng pagbaha, ayon kay Mayor Yap, mahalaga ang tuloy-tuloy na monitoring at hindi lamang panandaliang pagtugon.
Dapat manatiling alerto ang mga awtoridad at residente dahil maaaring mabilis magbago ang kondisyon ng panahon at tubig.
Aba’y ang pinakamahalagang sukatan ng isang pamahalaang handa sa sakuna ay ang kakayahan nitong kumilos bago pa magkaroon ng trahedya—dahil ang bawat buhay na nailigtas ay higit na mahalaga kaysa anomang aktibidad na maaaring ipagpaliban.
96 