HUWAG KAYONG MAGNAKAW

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PUMASOK na ang bagong taon pero bitbit pa rin ni Juan ang mga pasanin ng nakalipas na taon. Hindi pa rin bumababa ang presyo ng pagkain at iba pang gastusin. Nariyan pa ang mga panibagong dagdag tulad ng bayarin sa tubig at ang pinagdidiskusyunang premium hike ng SSS.

Halos maputol na nga ang bewang ni Juan sa kakahigpit ng sinturon mapagkasya lang ang karampot na kita. Heto ang gobyerno at makikiisa rin daw sa pagbabawas ng gastos.

Makatitipid daw ang pamahalaan ng bilyon kung mababawasan ang mga tauhan ng gobyerno sa pamamagitan ng rightsizing.

Sa pulong na pinangunahan ni Senate President Francis Escudero kamakailan, sinabi ni DBM Undersecretary Wilford Wong na makatitipid ng P3 bilyon kung mababawasan ng 3 porsyento ang mga kawani ng gobyerno.

Nasa bokabularyo pala ng pamahalaan ang pagtitipid, ngunit mga kawani ang isasalang. Mga kawani magsasakripisyo pero mga nakapwesto kuntento at tuloy ang pribilehiyo.

Maliit lang daw ang matitipid sa 6.3 trilyong badyet, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, na tinukuran ni Escudero dahil maglalabas muna ng pera ang gobyerno para bayaran ang mga sisibaking empleyado bago maramdaman ang matitipid na pondo.

Teka, tama ba’ng “rightsizing” para makatipid? Sabagay, may mga ahensyang halos magkadugo na ang tungkulin kaya kaunting sipsip na ito sa dinudugo nang budget ng gobyerno.

Marami ring tauhan na wala, pa-ez-ez lang ika nga. Pumapasok lang sa gobyerno para maghintay ng sweldo pero ‘wag na nating gaanong dikdikin ang mga tauhan na hindi ginagampanan nang maayos ang akmang tungkulin at deskripsyon ng kanilang trabaho. Kung sisilipin kasi natin ang mga bulakbol na empleyado e di unahin na ang mga hepe nila na hindi lang bulakbol kundi gastador pa sa pondo ng bayan.

Kung ang mga may trabaho ay butas ang bulsa sa bigat ng gastos, paano ang mawawalan pa ng kayod dahil sa rightsizing sa gobyerno? Sabagay, pinagpapala ang walang kita. Sa bilyon-bilyong ayuda baka sakaling mapasama sila sa mga makikinabang.

Isipin mo, gustong makatipid ng gobyerno ng ilang bilyong piso sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga tauhan, pero ayaw tipirin ang korupsyon na hindi masawata o ayaw atang pigilan.

Maraming paraan na puwedeng gawin ang nasyon ni Marcos Jr. para magtipid. Hayag naman ang ibang paraan, ngunit gusto isampol ang bawas-kawani. Kung gustong makapagtabi ng bilyon, aba kontrolin at bawasan ang paggastos. Hindi pagtitipid ang pagsibak ng mga empleyado. Limpak-limpak ang nasusunog dahil sa hindi tama at akmang implementasyon ng budget.

Gustong magtipid ng pamahalaan. Ayos ‘yan! Pero simulan n’yo, kayong mga opisyal sa gobyerno. Huwag kayong magnakaw!

13

Related posts

Leave a Comment