OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
NOONG nakaraang kolum ay tinalakay natin ang kapalpakan ng polymer bank notes na gustong ipalit ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa kasalukuyang umiiral na perang papel na ginagamit sa bansa.
Dangan kasi ay sobrang palpak naman pala ang plastic na perang ito na hindi man lang puwedeng itupi o malukot kahit konti kundi ay hindi na ito tatanggapin at ituturing na legal tender.
Samantalang kung matatandaan ay unang ipinangalandakan noong isang taon ni dating BSP Governor at ngayon ay Finance Secretary Benjamin Diokno na isa sa mga dahilan kung bakit papalitan ang perang papel ay dahil sa mas matibay kuno ang polymer money.
Pero press release lang naman pala iyon dahil lumalabas nga na hindi naman pala matibay at sobrang sensitibo at pabebe ang polymer bank notes na ito.
Isa pang dahilan kung bakit kailangang itigil na ng BSP ang kalokohang ito ay sapagkat tiyak na maaapektuhan din ang sariling industriya natin ng abaka rito sa bansa.
Sa mga hindi pa nakaka-alam ay ginamitan ng abaka ang kasalukuyang perang papel natin na siyang dahilan kung bakit mas matibay ito at maaaring gamitin kahit pa malukot at mabasa ng tubig.
Obvious na hindi rin naisip ng mga henyo riyan sa BSP na sa halip na tulungan natin ang ating mga magsasaka mula sa abaca industry, ay malamang na matanggalan pa sila ng trabaho.
Base sa tala ng Department of Agriculture noong 2016, ang Pilipinas ang nangunguna sa ngayon sa kalakalan ng abaka sa buong mundo dahil nagsu-supply tayo ng 87.5 percent na sinundan ng Ecuador at Costa Rica na naghahati sa natitirang 12.5 porsyento.
Noong 2016 din ay umabot sa 180,302 ektarya ang taniman ng abaka sa buong bansa na umani naman ng 72,000 metric tons (MT).
Base pa rin sa mga datos, kumikita ang bansa ng umaabot sa halos US$100-M kada taon mula sa industriya ng abaka.
Pero kung itutuloy ng BSP ang paggawa ng polymer bank notes, malamang hindi magtatagal ay masipa na tayo mula sa pagiging lider sa industriya ng abaka at mapalitan ng iba nating kakumpetensiyang bansa.
Kaya naman suportado natin si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na nananawagan din sa BSP na ihinto na ang produksyon ng polymer bank notes.
“The issuance of these polymer bills to replace our old banknotes is absolutely absurd. Our bills should be designed in such a way that they can withstand a minimum amount of abuse like crumpling and folding. Parang gusto pa yata nila ilagay sa frame ‘yung bills para kunwari matibay,” sabi ni Pimentel kamakailan.
“The BSP should suspend the production of these banknotes ASAP,” pagbibigay diin niya.
Mabuti naman at nakialam na rin ang ating mga mambabatas na tulad ni Pimentel at tulad natin ay nananawagan na rin sila para ihinto na ng BSP ang kalokohan nila.
221 