MALAKI raw ang naging epekto sa tax collection ng gobyerno sa ginawa nitong pagsasara sa online o e-sabong operations.
Maliban sa maraming mga nawalan ng tulong o ayuda, may mga nawalan din ng trabaho. Sa pagsasara ng e-sabong, nagsara rin ang maraming oportunidad para sa maraming Pinoy.
Mabuti na lang at kumikilos naman ang PNP o Phil. National Police sa pamamayagpag naman ng illegal e-sabong sites. Tuloy-tuloy daw kasi ang kanilang operasyon.
Kung hindi ako nagkakamali, naglunsad ang PNP ng mas pinaigting na kampanya laban sa e-sabong kasunod ng kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang lahat ng operasyon ng nasabing sugal.
Mismong si PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo ang nagsabi na kasalukuyan nang nagsasagawa ng case build-up ang Anti-Cybercrime group ng PNP upang tuluyang makasuhan at maipasara ang mga ito.
Dahil sa internet ang operasyon ng mga ito, aminado ang pambansang pulisya na mas mahirap habulin ang mga operators nito kumpara sa mga ordinaryong betting stations.
Sa tantiya nga nila, maaaring abutin daw ng dalawang linggo o higit pa bago tuluyang maipasara ang mga ito.
Maaaring nasa malalayong probinsya raw nakabase ang mga illegal e-sabong sites. Hindi naman daw nagpapabaya ang PNP.
Katunayan, tuloy-tuloy din daw ang ginagawa nilang spot inspection.
Pinangungunahan ng mga police commanders ang pagbubusisi sa mga gadget ng kanilang mga tauhan, alinsunod sa pagbabawal sa mga pulis na maglaro ng e-sabong o anumang sugal.
Aba’y walong pulis na raw pala ang nasampahan ng administratibo at kriminal na kaso.
Magandang senyales ito na mismong ang PNP na ang naglilinis ng kanilang bakuran.
Noong mga nakaraang buwan kasi, may mga iniulat na pulis na sangkot daw sa e-sabong.
May mga nanghoholdap at nagnanakaw para may maipantalpak daw.
Well, isolated cases lang naman daw ito.
Tiniyak na rin mismo ng pulisya na makakasuhan at madi-dismiss sa serbisyo ang mga mapatutunayang sangkot dito.
