(NI BERNARD TAGUINOD)
“Huwag padalus-dalos.”
Ito ang mensahe ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa Malacanang matapos sabihin na ikinokonsidera ng gobyerno ang muling paggamit sa Dengvaxia sa gitna ng dumaraming biktima ng dengue.
Aminado ang mambabatas na ito ang panahon para mabakunahan ang mamamayan lalo na ang mga bata ng gamot na panlaban sa dengue subalit kailangan aniya na mag-ingat upang hindi maulit ang kontrobersya noong unang inimplementa sa dengvaxia vaccine.
Kailangan muna aniyang alamin kung talagang epektibo ang dengvaxia sa pamamagitan ng pag-alam kung ang mga naturukan ng nasabing bakuha noong nakaraang administrasyon ay hindi kabilang sa mahigit 100,000 na biktima sa kasalukuyan.
Magugunita na umaabot sa mahigit 800,000 ang nabakunahan ng dengvaxia kung saan 142 dito ang namatay na isinisisi sa nasabing bakuna matapos aminin ng Sanofi na ang gamot na ito ay para lamang sa mga taong hindi nagka-dengue.
Dahil dito, nagdulot ng matinding pangamba ang dengvaxia kaya itinigil ito ng Duterte administration at hindi na rin pinayagan ng Food and Drug Administration (FDA) ang nasabing gamot na gamitin sa Pilipinas.
Ayon kay Atienza, hawak ng mga hospital ang master list kung sinu-sino ang mga nabakuhanan at alamin kung ilan sa mga ito ang nagkadengue dahil kung mayroon kahit isa ay dapat i-ban nang tuluyan ang dengvaxia.
“Alamin sa mga ospital kung ang mga nagkaroon ngayon ng dengue ay nabakunahan na dati o hindi. Kung marami sa kanila ay hindi nabakunahan at nagka-dengue ngayon, absuweltuhin sina dating Health secretary (Janette) Garin at dating pangulong (Noynoy) Aquino. Subalit kung mas nakasama ito sa libu-libong nabakunahan, ay dapat managot, kasuhan at ikulong ang mga may pagkakasala,” ani Atienza.
213