HYBRID WORK ARRANGEMENTS PINABIBIGYANG PAGKAKATAON

NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa buong gobyerno na “mag-isip sa labas ng kanilang sulok” at hayaan ang makabagong teknolohiya para sa “hybrid work arrangements” sa bansa na lumakas tungo sa inklusibong paglago ng ekonomiya.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Poe, “Ang hybrid work ay hindi isang radikal o ‘futuristic’ na ideyang hindi pa napapanahon. Ito ay isang matagal nang kaibigan na kumakatok muli sa ating pintuan.”

Ipinaliwanag ng tagapanguna ng Senate committee on economic affairs na tulad ng mga nakalipas na panahon, ang “versatility” ng remote work ay hindi dapat maliitin.

“Ang hilahan sa tunggalian ukol sa pagpunta sa opisina at pagtatrabaho mula sa kinaroroonan ng isang empleyado ay namamalas natin ng malapitan,” diin ni Poe na kasabay binanggit ang pagkakasalungat ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) at ng mga kumpanyang rehistrado sa Philippine Economic Zone Authority kaugnay ng wawakasang work-from-home arrangements sa Setyembre 2022.

“Nakita natin kung paanong ang labis na pakikialam ng gobyerno ay sumasakal sa pagbabago. Ang mabigat na patakaran ng FIRB ay patungo rito. Isa itong malinaw na halimbawa kung saan ang pamahalaan ay ang problema sa halip na solusyon,” saad ni Poe.

Ayon sa isang pag-aaral na inilabas sa Philippine Review of Economics noong nakaraang taon, aabot sa isang-katlo o one-third ng mga trabaho sa kabisera ng bansa ay may Β “telework potential” habang 22 milyong manggagawa ay may trabahong “teleworkable.”

“Ang ‘work from home arrangement’ ay nakatulong sa pisikal, emosyonal at mental na kalusugan: 74.2% ang napabuti ang pisikal na pangangatawan; 35.7% ang nagkaroon ng kaaya-ayang pagtatrabaho; at 27.8% ang mas may oras para sa kanilang mga pamilya, ani Poe batay sa ulat ng CISCO global hybrid work nitong taon.

Naghain rin si Poe ng Senate Resolution No. 125 na humihimok sa Senado na magsagawa ng pagdinig ukol sa Telecommuting Act o Republic Act (RA) 11165 para makapaghain ng nararapat na amyenda rito tungo sa pagiging higit na kapaki-pakinabang ng work from home at hybrid work arrangements.

“Kinikilala ng batas ang mga teknolohiyang nagbukas ng mga bago at alternatibong pamamaraan sa pagtatrabaho ng mga empleyado gaya ng telecommuting at iba pang flexible work arrangements,” ayon sa resolusyon.

Sa ilalim ng Section 8 ng nasabing batas, inaatasan ang Department of Labor and Employment na magtatag ng isang telecommuting pilot program at magsumite ng ulat ukol dito, dagdag pa ng resolusyon ni Poe.

“Dapat nating sitahin ang mga ahensyang ayaw ‘mag-isip sa labas ng kanilang sulok.’ Magtulungan tayo para ang trabaho ay maging ating ginagawa at hindi lamang ating kailangang puntahan,” pagtatapos ni Poe. (ESTONG REYES)

322

Related posts

Leave a Comment