DPA Ni BERNARD TAGUINOD
NOONG elementarya ako, kinasasabikan ko ang araw ng Biyernes dahil nasusuot ko ang aking Boy Scout uniform na kakaiba ang dating para sa akin. Kulay berde ang paligid ng flag pole dahil kami ang nagbababa ng bandila sa lingguhang flag retreat.
Tuwang-tuwa kami, madalas kaming may camping sa school at kapag may kaya ang pamilya mo, makakasama ka rin sa mga out of town camping na masayang-masaya, natutulog kayo sa tent n’yo kasama ang mga kaklase.
Maraming aktibidad sa camping tulad ng paligsahan, palakasan, paggawa ng apoy gamit ang boho at bato, pag-hunting, tinuturuan kayo kung papaano kumuha ng tubig na maiinom sa kabundukan, pagluluto at bago matulog ay nagkakantahan, nagsasayawan sa paligid ng campfire.
Nakakamis ang ganung mga aktibidad na hindi na yata nararanasan ngayon ng mga kabataan dahil hindi na napag-uusapan ang boy at girls scout sa school at bihira na akong makakita ng mga elementary student na nakauniporme, lalo na sa mga public school.
Pagdating naman ng high school merong Citizen Army Training (CAT) sa 4th year at halos araw-araw ay may formation ang CAT officials sa inyong paaralan na kumpleto ng uniporme.
Tuwing Sabado ang lahat ng 4th year high school ay may training kaya anim na araw ang mga estudyante na nasa eskuwelahan kada linggo dahil kailangang makapasa ka sa CAT dahil kung hindi ay hindi ka makaka-graduate.
Meron kayong replika ng baril at tinuturuan kayo kung papaano ang tamang paghawak ng baril, pagkasa, pinapagulong sa alikabok at physical exercise tulad ng push-up at kung ano-ano na ginagawa para mapatatag ang inyong katawan.
Pagdating naman ng college, kailangan mong maipasa ang Reserve Officer Training Corps (ROTC) 1 at 2 para maka-graduate ka. Exempted ka lang sa ROTC kung merong kang sinalihang kahalintulad na aktibidad tulad ng miyembro ka ng dance troupe o kaya ay atleta ka.
Na-abolish ang ROTC dahil sa isang krimen na may kaugnayan sa natuklasang anomalya sa ROTC sa University of Sto. Tomas noong 2002 at hindi na rin mandatory ang CAT at maging ang Boy at Girls Scout sa mga eskwelahan para maka-concentrate raw ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Bubuhayin na ito ngayon ng Kongreso lalo na’t inutos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbuhay nito sa kanyang katatapos na State of the Nation Address (SONA).
Pero sana maglagay ng probisyon sa panukala na huwag maging malupit ang ROTC cadet officers dahil ang training na alam nila noon ay ibabad lang ang mga kadete sa gitna ng araw at minsan nananakit pa sila kaya may mga opisyales noong panahon namin na inaabangan sa kanto para bugbugin para gantihan.
Iwasang bentahan ng raffle ticket ang mga kadete at kunwari ido-draw sa harap nila pero ang mga nananalo ay cadet at reserved officials, huwag manghula ng grado, at huwag magbebenta ng napakamahal na live bullet sa actual firing practice.
Dapat turuan nang tama ang mga kadete na mapakikinabangan nila at ng kanilang komunidad, sanaying maging rescuer sa panahon ng kalamidad at gamitin ang galing ng mga kabataan sa teknolohiya dahil ang giyera ngayon ay digital na.
282 