GINULANTANG ng isang malakas na pagyanig ng lupa ang malaking bahagi ng Luzon. Sa lakas na Magnitude 7.3, marami ang nag-akalang naganap na ang pinangangambahang paggalaw ng West Valley Fault na una nang sinabing magdudulot ng malaking perwisyo at pagpanaw ng hindi bababa sa 55,000 katao sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sumentro ang lindol sa bayan ng Lagangilang sa lalawigan ng Abra. Sa paunang ulat ng mga lokal na opisyal, may mga konkretong istrukturang gumuho.
Sa naganap na lindol, muling lumutang ang katanungan ng marami – handa ba tayo sakaling ang West Valley Fault naman ang magdala ng perwisyo?
Ang totoo, walang nakakaalam ng eksaktong petsa, araw at oras kung kailan tatama ang kinatatakutang “The Big One.” Base sa mga teorya ng mga eksperto, bukod sa malawakang pinsala sa mga imprastraktura, pinangangambahan ang pagpanaw ng hindi bababa sa 55,000 katao sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Sa pagtataya ng mga eksperto mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA), may kakayahan ang “The Big One” na patagin ang malaking bahagi ng Metro Manila, kabilang ang mga nagtataasang gusali, tulay, paaralan, bahay pamahalaan, mga kalsada, flyovers, mga elevated toll railways tulad ng LRT at MRT.
Sa pagsasaliksik ng JICA, lumalabas na ang West Valley Fault System ay gumagalaw kada 350 taon at sa bawat paggalaw nito ay nagdudulot ng malakas na mga pagyanig – sukdulang lakas na aabot sa magnitude 7.2 lindol.
Base sa datos ng Phivolcs, ang pinakahuling paggalaw ng West Valley Fault ay naganap 356 taon na ang nakalilipas. Sa madaling salita, labis pa ng anim na taon ang palugit para makapaghanda. Nakapaghanda ba?
Ano nga ba ang gagawin ng pamahalaan sa napipintong pagkawasak ng 40% ng mga kabahayan at 35% ng mga nakatayong pangkalahatang pasilidad tulad ng mga paaralan, ospital, simbahan, mga tanggapan ng pamahalaan sa loob ng 1,100-ektaryang sakop ng West Valley Fault?
May contingency measures na ba sakaling bumagsak ang mga imprastraktura tulad ng mga tulay, kalsada at iba pa? Saan kukuha ng suplay ng kuryente at tubig? May alternatibo na bang pansalit sakaling maputol ang mga linya ng komunikasyon?
Ang sagot – wala.
220 