PINAG-AAWAYAN sa social media ang module ng Department of Education (DepEd) na naglalarawan sa pamilya ng isang magsasaka na sila ay mahirap. Parang yagit dahil butas-butas ang mga damit.
Sa totoo lang naman, hindi man lahat, maraming magsasaka lalo na ‘yung nakikisaka lang ang talagang hirap na hirap sa buhay dahil saka lang dumarating ang grasya sa kanila pagkalipas ng tatlo’t kalahating buwan.
Kapag tinamaan pa sila ng kalamidad tulad ng bagyo na malimit na dumalaw sa ating bansa ay wala silang maaani at maghihintay muli sila ng hanggang apat na buwan para magkaroon ng grasya.
Dapat maging aral ito sa mga kinauukulan lalo na ang national government partikular sa Department of Agriculture (DA) na pansinin na talaga ang mga magsasaka dahil habang tumatagal ay napapabayaan ang sektor na ito.
Tinagurian ang ating bansa na “agricultural country” pero pinapabayaan ang sektor ng agrikultura na napakatagal nang panahon kaya papaanong makakaahon sa hirap ang mga magsasaka?
Pero hindi dapat ipamukha ng mga guro sa mga kabataan ang kalagayan ng mga magsasaka sa ating bansa dahil papaano sila mahihikayat na magsaka kung bata pa lamang sila ay itinuro na sa kanila na ang magsasaka ay mahihirap?
Isang marangal na trabaho ang pagsasaka. Sa kanila nakasalalay ang pagkain na kinakain nating lahat sa araw-araw. Mayaman o mahirap, lahat ng kinakain nyo ay pinagpawisan ng mga magsasaka Kung wala ang magsasaka, gutom tayong lahat.
Dapat iangat sila sa lipunan at huwag ituro sa mga kabataan na sila ay mahirap dahil kapag naitanim sa isip ng mga bata na kapag magsasaka ka ay mahirap ka, wala ng papasok sa pagsasaka.
Patanda na ng patanda ang mga magsasaka sa ating bansa. Darating ang araw na wala ng magsasaka kung hindi kukumbinsihin ang mga kabataan na pasukin ang sektor ng agrikultura.
Sa ngayon ay bihira na sa anak ng mga magsasaka ang sumunod sa yapak ng kanilang mga magulang. Marami ring magsasaka ang iginagapang ang kanilang mga anak para makatapos sa pag-aaral dahil alam nila kung gaano kahirap sa bukid. Nasusunog ang balat mo sa init ng araw.
Kaya kung magpapatuloy ito at dadagdagan pa ng pagtuturo na ang magsasaka ay mahihirap na tao sa lipunan ay talagang darating ang araw na wala ng gustong pumasok sa pagsasaka.
Saka lang naiisip ng mga tao na pasukin ang pagsasaka kapag matanda na sila at nakatakda na silang magretiro sa kanilang trabaho sa lungsod pero parang huli na ang lahat dahil mga senior citizen na sila.
Marami sa mga nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor ang namimili ng lupa bago sila magretiro para magsaka na lang pagkatapos ng ilang dekadang pagtatrabaho sa opisina.
Gusto nilang umalis na sa maingay na lungsod kapag nagretiro na sila kaya marami sa kanila ang naglalaan ng budget para ipambili ng lupa sa pinanggalingan nilang probinsya.
Pero malimit hindi produktibo ang pagpasok ng mga senior citizens sa pagsasaka dahil ginagawang libangan na lamang nila ang kanilang bukid pagkatapos ng ilang dekadang pakikipagsapalaran sa lungsod.
Kailangang bata pa lamang ay dapat nang mahikayat ang mga Filipino na pasukin ang pagsasaka para masiguro natin may sapat na pagkain ang mamamayan o magkaroon tayo ng food security.
295
